MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo ang pagbabalik sa Pilipinas ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Manuel Bonoan.
Sa isang pahayag, sinabi ng BI na dumating si Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City noong Linggo ng umaga sakay ng China Airlines flight CI0701 mula Taipei.
Umalis siya patungong Estados Unidos noong Nobyembre 11, 2025 upang samahan ang kanyang asawa para sa isang medical procedure.
Ayon sa BI, si Bonoan ay saklaw ng isang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na inilabas sa utos ng Department of Justice kaugnay ng mga nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y anomalous flood control projects.
Wala siyang naiulat na kasamang biyahero nang siya ay dumating.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na naiparating na ng ahensya ang detalye ng pagdating ni Bonoan kay DOJ Acting Secretary Fredderick Vida.
Binigyang-diin din ng BI na ang ILBO ay hindi nagbabawal sa paglalakbay kundi nagsisilbing mekanismo upang agad na maabisuhan ang mga awtoridad sa pagdating o pag-alis ng mga taong sangkot sa mga nakabinbing imbestigasyon. Dave Baluyot