Home NATIONWIDE Ex-mayor sa NegOcc ipinaaaresto ng Sandiganbayan

Ex-mayor sa NegOcc ipinaaaresto ng Sandiganbayan

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa dating alkalde ng Valladolid, sa Negros Occidental na na-convict sa graft na nagtatago pa rin hanggang ngayon.

Nag-isyu si Associate Justice Zaldy Trespeses ng Seventh Division ng Sandiganbayan, ng warrant of arrest laban kay Romel Yogore noong Disyembre 13, 2024 na napatunayang may sala sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa panayam, sinabi ni Police Col. Rainerio de Chavez, Negros Occidental police director, na hindi pa rin mahanap si Yogore hanggang ngayon.

Isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest noong Enero 5, ngunit wala si Yogore sa bahay nito sa
Barangay Poblacion, Valladolid.

Ibinalik ng mga awtoridad ang warrant sa Sandiganbayan at inabisuhan ang korte na hindi ito matunton.

“Once he (Yogore) will be located, he will be arrested,” ani De Chavez.

Hinatulan ng Sandiganbayan si Yogore na sangkot sa graft na may kaugnayan sa pagbili ng Valladolid municipal government ng construction materials na nagkakahalaga ng P230,395 mula sa isang construction store na pagmamay-ari ng kamag-anak nitong si Jonie Nieve. Walang isinagawang public bidding para rito.

Ang construction materials ay para sa improvement ng rural health unit noong 2008.

Binigyan si Yogore ng anim hanggang walong taong pagkabilanggo at perpetually disqualified sa pag-upo sa pampublikong opisina.

Matatandaan na umapela pa si Yogore sa kanyang kaso sa Korte Suprema noong Marso 3, 2022, ngunit tinanggihan ito.

Naging final at executory ang ruling ng SC noong Marso 29, 2024.

“The fact alone that accused Nieve was related to him within the second degree of affinity should have put accused Yogore on guard. Instead, and despite this, accused Yogore proceeded to award the contract to accused Nieve notwithstanding that no proper procurement was conducted,” saad sa desisyon.

“To disregard the lawful procurement process is indicative not only of manifest partiality, but also gross ignorance of the law,” dagdag pa. RNT/JGC