MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni retired Police Lieutenant General Jonnel Estomo ang pagkakadawit sa kaso ng 34 nawawalang sabungero at sinabi niyang magsasampa siya ng kaso laban kay whistleblower Julie “Dondon” Patidongan dahil sa paninira.
“Buong linaw kong itinatanggi ang anumang pagkakasangkot ko, at maghahain ako ng ebidensiya upang linisin ang aking pangalan,” ani Estomo, na tinawag ang mga akusasyon bilang “malisyoso at walang basehan.”
Kabilang si Patidongan sa mga inakusahan sa kaso at kamakailan ay nagsampa ng reklamo sa NAPOLCOM laban sa 18 pulis. Ayon sa kanya, miyembro si Estomo ng grupong “Alpha” at umano’y nag-udyok kay Atong Ang na ipapatay siya.
Dagdag ni Patidongan, tumatanggap umano ang grupo ng hanggang ₱70 milyon kada buwan na hinahati sa mga miyembro.
Itinanggi ni Estomo ang lahat ng paratang at inihahanda na ng kanyang mga abogado ang kaso laban kay Patidongan.
Ayon sa pulisya, ang mga sabungerong nawawala mula 2021 hanggang 2022 ay posibleng dinukot dahil sa dayaan sa laro.
Sinabi pa ni Patidongan na inilibing na sa Taal Lake ang mga biktima, at idinawit din sina negosyanteng si Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto—na kapwa itinanggi ang paratang. Santi Celario