MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon sina Senador Robin Padilla, Ronald “Bato” Dela Rosa, at Bong Go upang himukin ang pamahalaan na hilingin ang house arrest para kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands, dahil sa kanyang katandaan, kalagayang pangkalusugan, at pag-iisa.
Ayon sa resolusyon, kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute, maaari pa rin nitong igiit ang mas makataong kundisyon para kay Duterte habang nililitis sa ICC.
Nauna na ring nagpanukala si Senador Alan Peter Cayetano ng kaparehong resolusyon na ilipat ang kustodiya ni Duterte sa isang pasilidad ng embahada ng Pilipinas sa ilalim ng modified house arrest.
Ayon sa Malacañang, “noted” na ang mungkahi ni Cayetano.
Inilarawan ni Vice President Sara Duterte ang ama bilang “skin and bones” at sinabi nitong hiniling na ni Duterte ang kanyang cremation sakaling bawian ng buhay habang nakakulong.
Simula pa noong Marso 12 ay nakakulong na si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.
Giit ng kanyang mga abogado, walang hurisdiksiyon ang ICC at kasalukuyang nire-review ang mga ebidensyang isinumite para sa hearing sa Setyembre 23. RNT