MANILA, Philippines – Sumuko kay Abad Santos Police Station (PS 7) P/Lt Colonel Rexson Layug ang isang retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at itinuturing na wanted person ng nasabing police station nang isilbi ang kanyang warrant of arrest sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang akusado na si PO3 Vergel Navarro y Balingit, 53 anyos, na may kinakaharap na kasong paglabag sa Kidnapping for Ransom na may kaugnayan sa Sec 29 ng RA 10591.
Sa ulat, alas-5 ng hapon nitong Linggo, Marso 10 nang paligiran ang bahay ni Navarro sa 1311 Pavia Street, Brgy. 56 Tondo, Manila ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng IMEG-NCRFU Team ng Quezon City, Team Eastern, at team Manila kasama ang Police Station 7 at Anti-Kidnapping Group.
Ayon sa Raxabago Police Station (PS 1), may koordinasyon ang nasabing operasyon kung saan bitbit ng mga operatiba ang warrant of arrest laban kay Navarro.
Kusa namang sumama si Navarro sa mga operatiba sa pangunguna ni PltCol. Layug.
Ang operasyon at pag-aresto kay Navarro ay nag-ugat sa ibinabang warrant mula sa sala ni Hon. Louie Bran Roselle Sze, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 87 Quezon City.
Dinala na sa IMEG HQs, Camp Crame, Quezon City para sa documentation. Jocelyn Tabangcura-Domenden