BATANGAS, Philippines — Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) ang implementasyon ng kabuuang P273.2 milyon halaga ng mga programang ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pangunguna ni Governor Hermilando I. Mandanas, matapos ang reklamong inihain ng grupong Progressive Allied Batangueños (PAB).
Sa isinagawang pagdinig ng Comelec en banc noong Abril 21, 2025, binawi nito ang exemption na dating ipinagkaloob sa mga proyekto ng probinsya, na ayon sa PAB ay maaaring magamit sa hindi patas na paraan habang umiiral ang election spending ban na nakasaad sa Omnibus Election Code, Sec. 261 (v).
Ang mga programang ito ay kinabibilangan ng:
-P16.7 milyon para sa Aid to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Cash for Work;
-P23 milyon para sa Emergency Assistance Service mula sa 20% Development Fund;
-P150,000 para sa Job Fair;
-P800,000 para sa Employment Assistance;
-P32.4 milyon para sa youth sports activities;
-P10 milyon para sa Cash for Work at hot meals para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine at Taal Volcano eruption;
-P190 milyon para sa Scholarship at Educational Assistance.
Ayon sa PAB, ang pamamahagi ng mga proyektong ito sa kasagsagan ng kampanya ay maaaring magbigay ng ‘di patas na bentahe kay Mandanas, na tumatakbo bilang Bise-Gobernador ng lalawigan. Binigyang-diin ng grupo na maaaring maimpluwensyahan ang mga benepisyaryo ng nasabing ayuda.
Sa liham ng PAB na may petsang Abril 16, iginiit nila na labag sa umiiral na election laws ang pagbibigay ng exemption sa probinsya sa gitna ng halalan. Tinukoy rin nila na wala umanong malinaw na panuntunan sa distribusyon ng pondo, at ito’y maaaring pagmulan ng hindi patas na impluwensya.
“Having the free disposal to distribute P273.2 million to the set of beneficiaries without transparent parameters, he can use these projects to influence the recipients to vote for him come election day,” saad sa liham ng PAB na nakapaloob sa Comelec memo.
“If he will be allowed to access these funds, there is a reasonable certainty that he will utilize the resources of the government in vote-buying — the evil sought to be prevented by existing election laws and relevant Comelec resolutions,” dagdag pa ng grupo,.
Bilang tugon, ipinag-utos ng Comelec na suspindihin ang implementasyon ng mga programa at iniatas sa Law Department na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa mga alegasyon. Hiniling din na agad isumite sa Comelec en banc ang resulta ng imbestigasyon.
“The commission, after due deliberation, resolved, as it hereby resolves, to suspend, effective immediately, the grant of exemption given in favor of the province of Batangas, represented by Governor Hermilando I. Mandanas, from the Comelec prohibition on procurement and distribution,” saad pa Comelec memo.
Bagama’t wala pang inilalabas na opisyal na resulta ng imbestigasyon, nilinaw ng Comelec sa kanilang resolusyon na ang suspensyon ay hakbang upang mapanatili ang integridad ng halalan at maiwasan ang paglabag sa batas. RNT