Bulacan – Pormal nang nasampahan ng kaukulang kaso ng mga awtoridad ang isang ama na bumaril sa dalawang binatilyo sa isang coffee shop sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) bandang 1:00 ng tanghali nitong Abril 21.
Sa report, “Two Counts of Murder” ang isinampang kaso ng kawani ng SJDM police station sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Edilmar Alviar laban sa suspek na si alyas Randy.
Nabatid din sa report na dawit din sa kaso ang asawa at anak ng suspek na nakita sa CCTV footage na umalis lulan ng motorsiklo ilang segundo matapos ang pamamaril sa coffee shop.
Ayon sa report, habang nakaupo ang mga biktimang sina Rey Allen Nevado De Jose, 20, college student ng Brgy. Muzon East at Jeric Castillo, 20, ng Brgy. San Isidro sa kapehan sa Brgy. Paradise 3, ay bumulaga sa kanila ang suspek na biglang bumunot ng baril at bigla silang pinagbabaril.
Nabatid na dead on the spot si Rey Allen base sa rescue team na rumesponde sa lugar habang dead on arrival si Jeric sa isang ospital sa kalapit na bayan.
Sa Facebook post na nagviral at ayon sa report, sinasabing napagmakalan ng suspek ang mga biktima na bumugbog sa kanyang anak na binatilyo.
Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang asawa at anak na kasamang tumakas ng suspek sa lugar. Dick Mirasol III