Home OPINION F-16: PANG-JUNK SHOP NA, OVERPRICED PA

F-16: PANG-JUNK SHOP NA, OVERPRICED PA

KUNG gumawa ng pera ang mga Kano ay gayon na lamang.

Naiisip natin ito, mga brad, kaugnay ng alok ng mga Kano na bentahan tayo ng mga fighter-bomber jet na F-16 na nagkakahalaga ng $5.58 bilyon para sa 20 piraso para panlaban umano natin sa mga kaaway.

Pero alam ba ninyong 50 anyos na ang mga F-16 at nireretoke lang para magmukhang bago at epektibo umano…kung makigiyera tayo?

Gayunman, kahit luma na at nireretoke lang, ginagamit pa ng mga Kano at nasa 25 bansa dahil sa tinatawag na interoperability o madaling paggamit nito dahil sa kaugnayan nito sa sistemang Kano na nakasanayan ng nasabing mga bansa.

Mas mahusay naman umano ang F-16 kaysa FA-50PH na binili natin sa South Korea dahil kayang magtrabaho ang una sa loob ng 500 kilometro kumpara sa 300 kilometro ng huli.

Pero ayon sa Bulgarian Military.com, kung tutuusin, pang-junk shop na ang mga ito at nagsimula nang mawalan ng silbi, lalo ngayong mabilis na gumagawa ang mayayamang bansa, kasama ang China, US, Russia at Israel ng mga walang pilotong military plane o unmanned aerial vehicle gaya ng mga drone at lalong mawawalan ng silbi sa harap ng mga armas gaya ng mga high energy laser.

Madali ring pabagsakin ang mga ito ng mga missile na tumatakbo ng 5 mach (5 beses mas mabilis sa tunog na tumatakbo ng 1,500 kada oras) hanggang 25 mach lalo’t hang mach 2 lang ang F-16 at ang China, meron ang mga ganitong missile.

Ang masakit pa, ibebenta sa Pinas ang F-16 sa halagang $279 milyon bawat isa na walang silbi sa laban sa mga pinakabago at pinakamahusay na fighter-bomber jet gaya ng F-35 ng US na $60-80M lang; Su-35 ng Russia – $85M; J-10C ng China – $40-50M; Saab Gripen ng Sweden – $60-80M; Boeing F/A-18 Super Hornet ng US – $73M; at Shenyang FC-31/J-35 ng China – $70M.

Kawawa naman ang Pinas. Huhuhu!