Home OPINION RETROFITTING NAMAN

RETROFITTING NAMAN

SINASABI ng Department of Public Works and Highways na nagsasagawa na ito ng malawakang inspeksyon sa lahat ng pampublikong istruktura para sa retrofitting bilang panlaban sa posibleng pag-atake ng malakas na lindol, partikular ang The Big One mula sa West Valley Fault.

Sakop ng bitak ng lupa ng The Big One ang Doña Remedios Trinidad at daraan ito sa Norzagaray at San Jose Del Monte sa Bulacan; Rodriguez sa Rizal; Quezon City, Marikina City, Pasig City, Taguig City at Muntinlupa City sa Metro Manila; San Pedro City, Biñan City, Sta. Rosa City, Cabuyao at Calamba sa Laguna; at Carmona, General Mariano Alvarez at Silang sa Cavite.

Bagama’t may mga isinasagawang retrofitting gaya ng overpass sa Kamuning EDSA, lalong paiigtingin umano ito kaugnay ng karanasan ng Myanmar at Thailand na nagtamo ng matitinding kasiraan sa lahat ng istruktura, pribado man o publiko, nitong nagdaang mga araw.

Tinamaan ang Myanmar at Thailand ng lindol na Magnitude 7.7 at kasinglakas ito ng Magnitude 7.7 o 7.8 na lindol sa Cabanatuan City-Baguio City noong Hunyo 1990.

Umabot na sa mahigit 3,000 tao ang namamatay sa Myanmar at mahigit 4,500 ang nasugatan habang may 22 patay sa Thailand at may missing na 72.

Sa Cabanatuan City-Baguio City, may nasawi namang mahigit 2,500 at iba pa ang mga nasugatan at missing.

50,000 PATAY SA THE BIG ONE

Ayon sa pamahalaan at mga eksperto, nasa 50,000 ang maaaring mamamatay ‘pag dumating ang The Big One at nilinaw nilang tantiya ito kung sa gabi mangyari ang sakuna.

Aabot naman sa daan-daang libo ang masusugatan.

Kakaunti lang umano ang mapipinsala sa matataas na gusali at karamihan sa mga mabibiktima ang nakatira sa mabababang bahay at istruktura, lalo na ang mga itinayo na wala sa hulog o tibay o hindi akma sa “international standards.”

Bukod sa mga guho o pagkawasak ng mga istruktura, kasama sa mga posibleng papatay ang sunog, at lalo pa kung isipin na maraming ospital ang mapaparalisa at hindi kayang magligtas ng buhay ng mga masusugatan.

ANG RETROFITTING

Pero ano naman kaya ang retrofitting na gagawin?

Paano kung matutulad ang retrofitting sa bumagsak na tulay sa Sta. Maria-Cagaban bridge sa Isabela?

Ni-retrofit ang nasabing tulay upang maiakma sa international standard at ginamit dito bilang gabay ang pinakabagong batas para sa paggawa ng tulay.

Itinayo ang nasabing tulay ayon sa lumang batas sa tulay kaya ito ni-retrofit.

Pero, anak ng tokwa, bumagsak pa rin.

Sinisi ang truck na dumaan dahil 100 tonelada iyon samantalang na 45 tonelada lang ang kaya ng tulay na “international standard.”

21K NAINSPEKSYON

Malaki-laking bilang ang nasa 21,000 na istruktura na nainspeksyon na.

Ipagpalagay na nating lahat ng ito na gusali, tulay at iba pa ay ginawa sa ilalim ng mga lumang batas sa bahay, tulay, kalsada at iba pa, malaki-laki ang badyet para sa retrofitting.

Meron na bang badyet para rito para mabilis ang paggawa?

Pero sana naman, ang retrofitting ay hindi Sta. Maria-Cabagan bridge istayl.