MANILA, Philippines – Gumulong na ang expanded First 1,000 Days (F1KD) cash grant package ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpapalaki ng buwanang benepisyo sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula P350 patungong P750.
Sa enhanced grant, na ipinatupad sa ilalim ng Memorandum Circular No. 10, Series of 2026, ipinatupad ito noong Hulyo 9 at layong palakasin ang suporta sa maternal at child health at nutrisyon sa kritikal na unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata.
Sakop ng rollout ang 5,536 newly qualified F1KD beneficiaries, na makatatanggap ng pinataas na buwanang grant na P750 para sa Pay Period 3 (May–June 2026).
Ang existing F1KD beneficiaries ay magsisimula na ring makatanggap ng mas mataas na grant sa kaparehong pay period sa ilalim ng phased implementation ng programa.
Ayon sa DSWD, mahigit 180,000 qualified beneficiaries sa buong bansa ang inaasahang makikinabang sa expanded cash grant package ngayong taon.
Ito ay ilalabas sa Land Bank of the Philippines cash cards o registered e-wallet accounts ng benepisyaryo.
Ang F1KD cash grant ay nagbibigay ng supplemental financial assistance sa eligible 4Ps households upang makatulong na matugunan ang health at nutrition needs ng mga buntis na babae at anak nito, mula sa pagbubuntis hanggang sa edad dalawa, o panahong ikinokonsiderang mahalaga para sa physical growth, brain development, at overall well-being.
“The increase in the F1KD Cash Grant strengthens our investment in the health and nutrition of pregnant women and young children and helps ensure that every Filipino child has the best possible start in life,” sinabi ni 4Ps National Program Manager Mary Rose Oquindo-Pasibi.
Ang adjustment ay inaprubahan matapos ang assessment na napag-alamang ang P350 monthly grant ay hindi na sapat para matugunan ang tumataas na halaga ng pagkain, gamot, vitamins, transportasyon, at iba pang kailangan ng buntis at mga bata.
Upang patuloy na makasali sa F1KD grant ay kailangang tumugon ng mga benepisyaryo sa requirements ng programa kabilang ang regular prenatal at postnatal checkups, facility-based delivery na may skilled health professionals, routine child health consultations, at age-appropriate immunization para sa mga bata hanggang 24 months old. RNT/JGC