NAGLABAS ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa maling impormasyon na kumakalat sa iba’t ibang social media platforms kaugnay sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na mahigit isang taon nang idineklara ng World Health Organization (WHO) ang pagtatapos bilang isang pandaigdigang emerhensiyang pangkalusugan.
Kumalat sa social media ang maling balita na nagsasabing natuklasan ng bansang Singapore na ang COVID-19 ay hindi isang virus kundi bakterya na na-expose sa radiation na nagdudulot ng pagkamatay ng tao sa pamamagitan ng pamumuo ng dugo.
Pero paglilinaw ng Ministry of Health ng Singapore na ang impormasyon ay hindi nagmula sa kanila. Binigyang-diin din nito na ang COVID-19 ay sanhi ng SARS-CoV-2 virus at hindi isang bakterya.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na manatiling mapanuri laban sa maling impormasyon tungkol sa COVID-19 at kumuha lamang ng updates mula sa mga lehitimong mapagkukunan at plataporma.
Sa isang post sa Facebook na unang kumalat noong July 2021 at muling kumalat sa nagdaang dalawang buwan, sinasabing nagsagawa ang Singapore ng unang COVID-19 autopsy at natuklasan na ang sakit ay sanhi ng bakterya at hindi virus.
Pero mali ang impormasyong ito dahil ang kauna-unahang COVID-19 autopsy ay isinagawa sa isang 85-taong gulang na lalaking Tsino noong January 2020 base sa inilathala ng Journal of Forensic Medicine ng China noong February 2020.
Nanindigan ang mga eksperto sa medisina at mga pandaigdigang ahensiya sa kalusugan, kabilang ang WHO, na ang COVID-19 ay sanhi ng virus at hindi ng bakterya.
Isa sa mga pinagbasehan ng maling impormasyon ang paggamit ng antibiotics sa mga tinamaan ng COVID-19 pero paglilinaw ng mga eksperto, binigyan ng antibiotic ang mga pasyente para maiwasan ang superinfection ng ibang bakterya dahil ang ilan sa mga pasyente ay mahina ang katawan para maiwasan ng ibang impeksyong bakteryal.
Mula 2020 ay mahigit 776 million katao ang nagkaroon ng COVID-19 sa buong mundo kung saan mahigit 7 million ang namatay.
Sa Pilipinas naman ay nasa 4.1 million ang nagkasakit at nasa 66,864 ang nasawi.
MAGKAKAROON ng bagong 40 fast patrol crafts (FPCs) ang Philippine Coast Guard (PCG) mula sa official development assistance (ODA) ng pamahalaan ng bansang France matapos itong aprubahan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa pagpupulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board nitong November 5, 2024.
Bahagi ito ng Php 25.8 billion na ODA mula sa France. Ayon kay PCG commandant admiral Ronnie Gavan, ito ang “pinakamalaking single purchase sa modernisasyon” ng bantay dagat ng bansa.
Aniya, mapapabilis ng panibagong FPCs ang kakayahan ng PCG na magkaroon ng hindi bababa sa dalawang patrol boats ang bawat distrito, ay mapabibilis na mararating ang mga dulo ng socio-economic zone upang ipatupad ang mga batas.