NAKARANAS na ba kayong manirahan sa evacuation center na inilaan ng pamahalaan o kaya ay pansamantalang manuluyan sa bahay ng inyong kaibigan o malapit na kaanak?
Ganito ang dinaranas ng mga pamilyang nawalan ng tirahan nang manalasa ang sunod-sunod na bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito, hindi lamang sa Bicol Region kundi maging sa Southern, Central at Northern Luzon, kabilang ang Batanes at Babuyan Island.
Talagang nakababagabag ng damdamin kapag pinanood ang kalagayan ng bawat pamilyang sinalanta ng bagyo na nagtitiyagang mamirmihan sa evacuation centers.
Mabuti na lang, sapat ang mga ipinamahaging food packs ng pamahalaan kaya hindi magugutom ang mga bakwit at maging ang mga naninirahang pansamantala sa kanilang mga malalapit na kaibigan at kaanak.
Personal ngang nagtungo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa evacuation center sa Virac, Catanduanes nito lang nakaraang linggo upang tingnan ang naging kalagayan ng daan-daang pamilyang nawalan ng tirahan na winasak ng bagyong Pepito.
Matapos na personal masaksihan ang kahabag-habag na kalagayan ng mga pamilyang naapektuhan ng mapaminsalang bagyo, tiniyak ng Pangulo na sapat ang pagkain ng bawat pamilya.
Aniya, walang deadline ang pamamahagi ng food packs sa evacuees at hangga’t kailangan nila makakukuha at pagkakalooban sila at kapag kinulang, muling magpadadala upang hindi magutom ang bawat isa.
Maging ang mga pamilyang nakikitira na muna sa kapitbahay, kaibigan at kaanak ay pagkakalooban din hanggang makabangon sila sa dinaranas na dalamhati.
Tulad kasi ng mga nasa evacuation center, mahirap din ang makitira kahit sabihin pa na malapit nilang kaanak dahil limitado ang kanilang galaw, hindi lamang sa paggamit ng anomang pasilidad tulad ng banyo, silid, tubig, kuryente at iba pa kundi maging sa pagkain, kahit pa nga sabihing may ayuda silang natatanggap.
Sa totoo lang, kapag nakitira sa kaanak, parang napa-praning, dahil lagi mong iniisip na baka kalabisan ka na sa kanila.
Kaya nga yung iba, nagtitiyaga talaga sa evacuation center sa halip na makitira sa kaanak dahil napakahirap kumilos kasi inaakala na laging nakatingin sa anomang gagawin.
Alam yan ng Pangulong BBM kaya nga isinama sila sa unli-food packs ng pamahalaan nang sa gayon ay maidamay na rin nila sa biyaya ang kanilang kaanak.