Home NATIONWIDE Feelings ng Unang Ginang walang kinalaman sa trabaho ko – VP Sara

Feelings ng Unang Ginang walang kinalaman sa trabaho ko – VP Sara

MANILA, Philippines – TANGGAP ni Vice-President Sara Duterte ang naramdamang sama ng loob at galit sa kanya ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.

Para kay VP Sara, wala naman kasing kinalaman sa kanyang mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan ang ‘personal feelings’ ng Unang Ginang.

Sinabi ito ni VP Sara sa isang video message kasunod ng kontrobersiyal na panayam sa Unang Ginang kung saan inamin nito na masama ang kanyang loob sa una matapos na tawagin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang asawa na “bangag” o high on drugs.

“Mga kababayan, bilang tao, karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit. Subalit ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan,” ayon kay VP Sara.

Aniya, magkakaroon siya pribadong pakikipag-usap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagay na ito.

“Upang makausad tayo, iiwan na natin sa isang pribadong pag-uusap sa pagitan lamang namin ni Pangulong ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga susunod na hakbang,” ayon kay VP Sara.

Matatandaang, sa panayam ng “Tune in kay Tunying” online program sa Unang Ginang, sinabi nito na si VP Sara ay “bad shot” sa kanya maliban na lamang kung mag so-sorry ito.

Ito’y matapos na sabihin ni Unang Ginang Liza na na-offend siya ng makita niyang tumawa si VP Sara sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ama ni VP Sara sa isang rally sa rally sa Davao City nito lamang huling bahagi ng Enero para kontrahin ang pagsisikap na amiyendahan ang1987 Constitution.

Sinabi pa ng dating Pangulo na si Pangulong Marcos ay nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency, na kaagad namang itinanggi ng ahensiya.

“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba—sama sama tayong babangon muli,” ayon kay Unang Ginang Liza tinukoy si Sara Duterte— running mate ng kanyang asawa noong 2022 elections.

“Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that,” aniya pa rin.

Samantala, sinabi ni VP Sara na maraming ibang mas malaking problema ang dapat na pinagtutuunan ng pansin at nireresolba ng gobyerno kabilang na ang malaganap na illegal na droga sa bansa.

“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin at ito ay mas nagpapahirap pa sa dinaranas na gutom o kawalan ng sapat na pagkain ng mahihirap nating kababayan. Nagbabadya rin ang kakulangan ng supply ng tubig at kuryente, habang talamak na naman ang ipinagbabawal na droga,”aniya pa rin.

“Samantala, hindi pa rin natatapos ang banta ng kriminalidad, terorismo, at insurhensiya sa ating bansa,”ang sinabi ni VP Sara. Kris Jose