Home HOME BANNER STORY Presyo ng gas sisirit, diesel at kerosene may rollback

Presyo ng gas sisirit, diesel at kerosene may rollback

MANILA, Philippines – MAGPAPATUPAD ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag-presyo na P0.55 sa kada litro ng gasolina habang bawas-presyo naman na P0.95 sa kada litro ng diesel at P1.10 naman sa kada litro ng kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

May dagdag-bawas din sa mga nabanggit na presyo sa mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na ipapatupad alas-12:01 bukas ng madaling araw.

Ang ipapatupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag presyo na P0.40 sa kada litro ng gasolina, P0.95 sa kada litro ng diesel at P0.85 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes