Home HOME BANNER STORY Filipino personalities na pumanaw ngayong 2023

Filipino personalities na pumanaw ngayong 2023

MANILA, Philippines – Kasabay ng paggunita ng Undas ngayong taon, atin ding balikan ang mga kilalang personalidad sa Pilipinas at sa mundo na pumanaw ngayong taon.

Una muna ay sa mundo ng entertainment dito sa Pilipinas kung saan ang mga kilalang personalidad na pumanaw ngayong 2023 ay ang veteran actor na si John Regala o John Paul Guido Scherrer sa kanyang buong pangalan, na sumakabilang-buhay noong Hunyo 3 dahil sa iba’t ibang kumplikasyon kabilang ang cardiac arrest.

Kasama rin sa listahan ang dating miyembro ng ‘That’s Entertainment’ na si Ricky Rivero na pumanaw naman noong Hulyo 16, at JM Canlas na puanaw noong Agosto 3. Si JM ay dating child actor.

Sumakabilang-buhay din dahil sa septic shock ang beteranong showbiz anchor na si Mario Dumawal noong Hulyo 5 at ang Sparkle teen artist na si Andrei Sison noong Marso 24 dahil sa aksidente sa sasakyan.

Dagdag pa sa listahan ng mga kilalang personalidad na ating inaalala ngayong taon ay sina Boybits Victoria na dating PBA player na pumanaw noong Marso 1 dahil sa acute myocardial infarction at ang Filipina writer, at novelist na si Lualhati Bautista noon namang Pebrero 12, 2023.

Sa mundo ng politika, pumanaw naman sina Rep. Edward Hagedor na dating mayor ng Puerto Princesa, Palawan sa edad na 76 noong Oktubre 3, at dating Marikina City Mayor Bayani Fernando noong Setyembre 22 sa edad na 77.

Ikinabigla rin ng lahat ang biglaang pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople noong Agosto 22, at dating Manila vice mayor Danilo Lacuna sa edad na 85.

Inaalala rin natin ang buhay ni dating Armed Forces of the Philippines chief-of-staff at mambabatas na si Rodolfo Biazon na pumanaw sa edad na 88 noong Hunyo 12 dahil sa pneumonia.

Abangan ang ating special segment para naman sa mga foreign personality na pumanaw ngayong 2023. Kasabay ng paggunita ng Undas, alalahanin din natin ang kanilang mga naging ambag sa lipunan. RNT/JGC

Previous articleSakripisyo ng mga nasawing sundalo, alalahanin sa Undas – AFP
Next articleROAD ADVISORY: Mga isasarang kalsada sa Caloocan sa Undas