ANG sunog ay isa sa mga pinakamapanganib na sakuna na maaaring maranasan ng isang pamilya. Sa loob lamang ng ilang minuto, maaaring masira ang tahanan, mawala ang mga ari-arian, at malagay sa panganib ang ating buhay. Kaya mahalaga ang tamang fire prevention at maayos na fire emergency response sa bawat kabahayan.
Maraming insidente ng sunog, dear readers, ang nagsisimula sa simpleng kapabayaan tulad ng nakasaksak na appliances, overloading ng extension wires, napabayaang kandila, sirang electrical wiring, at paggamit ng Liquefied Petroleum Gas nang walang regular na inspeksyon. For your information, may mga substandard na LPG cylinder tank ang nakakalusot sa merkado kaya nararapat lamang ang paniniguro, pagkilatis at pagpili. Dapat ding ugaliin ng bawat pamilya ang pag-check ng mga kable, pagpatay at pag-unplug ng appliances kapag hindi ginagamit, at pag-iwas sa “octopus wiring connection” at labis na pagsaksak ng electrical plugs sa iisang outlet.
Kung may sapat pang badyet, mahalaga rin ang pagkakaroon ng smoke detector at fire extinguisher. Kailangan ding may malinaw na emergency exit plan sa bahay. Kailangang ipaalam sa bawat miyembro ng pamilya kung paano gamitin ng ligtas ang mga electrical appliance at device.
Kapag nagkaroon naman ng sunog, mahalaga ang mabilis at kalmadong response. Tumawag kaagad sa Bureau of Fire Protection at lumikas kung hindi na kayang kontrolin ang apoy. Huwag nang bumalik sa loob ng bahay upang isalba ang mga kagamitan. Sa paglikas, panatilihing nakayuko habang binabagtas ang emergency exit upang makaiwas sa makapal na usok. Takpan ang ilong at bibig ng basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng nakalalasong gas mula sa nasusunog na materyal.
Panahon na rin siguro upang magkusa ang bawat pamilya sa pagsasagawa ng regular na family fire drill upang masanay ang bawat isa sa tamang kilos sa oras ng emergency.
Ang mga ganitong practices ay mas mura kumpara sa gastos kapag nagkatrahedya. Kung isasagawa ang ating mga suhestiyon, makasisiguro ang bawat tahanan ng proteksyon mula sa mapaminsalang sunog.






