MANILA, Philippines – Nakumpleto na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang five-day rotation at resupply mission sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea para maghatid ng suplay at tauhan, pati ang pangunahing serbisyo sa mga residente sa kabila ng masamang panahon.
Unang nagtungo ang PCG sa Pag-asa Island upang magsagawa ng medical at dental mission para sa mga residente ng isla.
Kamakailan ay pinasinayaan ng PCG ang bagong istasyon sa Pag-asa Island Barangay Pag-asa na matatagpuan 280 nautical miles mula sa mainland Palawan at nasa exclusive economic zone ng bansa.
Sa inagurasyon, namataan ang 19 Chinese maritime militia vessels malapit sa isla. Namataan ng mga awtoridad ang China Coast Guard ship at People’s Liberation Army Navy Ship.
Ang mga ipinadalang personnel ay upang palitan ang ibang nakatalaga sa WPS kung saan mayroong rotation ng mga personnel.
Kabilang sa mga uuwi ay si CG Apprentice Seaman Arnel Almazan, na itinalaga sa Patag Island sa nagdaang 40 na araw kasama ng ilang tauhan ng Navy at mga Marines.
Samantala, si CG PO3 Fritz Gebert Tawtawan, ay kabilang sa apat na Coast Guard personnel na itinalaga sa Lawak Island kaya inaasahan niyang magdiriwang siya ng Pasko at Bagong Taon sa isla at malayo sa kanyang pamilya ng dalawang buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden