Home NATIONWIDE Focus crime rate bumaba ng 28% nitong Enero

Focus crime rate bumaba ng 28% nitong Enero

MANILA, Philippines – DAHIL sa tulong ng mga mamamayan nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 28-porsiyento na pagbaba ng focus crimes mula Enero 1 hanggang 30 ngayong taon.

Sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City nitong Miyerkoles, Enero 31, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na may kabuuang 2,301 focus crimes ang naitala sa panahong ito, kumpara sa 3,223 krimen na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Nabatid na inuri bilang focus crimes ay murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, vehicle theft at motorcycle theft.

“Mas mababa ng 28.61 percent at sana sa tulong ng ating mga kababayan para masustain natin itong pagbaba ng mga krimen. Mababa ang krimen natin at nagbibigay ito ng motivation sa ating mga pulis para mas lalo nilang pag-igihin ang kanilang trabaho at alam ng mga pulis kung ano ang dapat na focus at ang focus natin is to enforce the law and implement yung mga legal orders ng mga duly constituted authorities,” ani Fajardo.

Samantala, tiniyak ni Fajardo na walang namumuong destabilization plot sa hanay ng PNP.

“Kung ano man yung mga naririnig natin ay let us be cautious sa mga naririnig natin na mga bali-balita but on the part of the PNP wala tayong namo-monitor na any destabilization plot or even yung coup d’état,” sinabi pa ng opisyal.

Sinabi niya na ang gabay ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ay para sa mga opisyal ng pulisya na manatiling apolitical.

“Alam natin yung ating mandato at mananatili tayo pagtupad ng ating tungkulin at kasama na diyan yung pag uphold at pagrespeto sa rule of law, ” dagdag niya. Santi Celario