KAPANSIN-PANSIN ang paglipana ng “halang ang kaluluwa” na mga banyaga na walang pakundangan sa pang-alipusta sa umiiral na batas sa Pilipinas.
Kundi pa sa Senate probe sa Philippine Offshore Gaming Operator ay ‘di malalaman ang talamak na kriminalidad sa bansa na ang may kagagawan ay mga banyaga.
Noong Nobyembre 6 lamang ay inanunsyo ni Philippine National Police chief PGen Rommel Marbil ang pagkabuwag ng cigarette counterfeit syndicate.
Limang Chinese na nagpapatakbo ng naturang sindikato ay nadakip ng mga tauhan ni Criminal Investigation and Detection Group chief PBGen Nicolas Torre lll.
Ilang araw pa lang ang nakakaraan ay dinakip naman ng Police Regional Office 3 at Anti-kidnapping Group ang limang Nigerians dahil sa kasong kidnapping for ransom.
Ang mga akusado na nahaharap ngayon ng kidnapping at illegal firearm charges ay dinukot at pinatutubos ang kapwa Nigerian na si Kingsley C. Ikeagwuana.
Kaugnay nang pag-aresto sa mga suspek, nagbabala si PRO3 director PBGen Redrico Maranan sa mga kawatan na huwag sa Central Luzon isagawa ang kanilang criminal activities.
Magsilbi sana itong babala sa mga nais o magtatangkang gumawa ng krimen dahil hindi ito uubra sa Gitnang Luzon, ang mariing pahayag ni Maranan.
Aniya, ang ating mga pulis at partners na ahensya, katuwang ang suporta ng pamayanan,ay titiyaking mananatiling ligtas, payapa at maayos ang ating rehiyon.
Alinsunod ito sa adbokasiya ni PNP chief na sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis ligtas ka, paliwanag pa ng dating hepe ng Quezon City Police District.
Bukod sa Chinese group sa likod ng fake cigarettes at Nigerian abductors ay nakapagtala rin ang PNP ng iba’t ibang matagumpay na operasyon na ang sangkot ay mga dayuhan.
Kung pagbabasehan ang dami ng mga nahuhuling foreign criminals, aba’y ‘di dapat maging kampante ang gobyerno dahil nakataya rito ay peace and order ng bansa.
Ginagawa naman ng mga pulis ang trabaho pero para lamang makasiguro ay paigtingin pa ang operasyon sa mga banyagang bumabalewala sa umiiral na batas ng Pilipinas.