Home OPINION PAGLUBOG SA BAHA NG NAGA CITY, HUWAG ISISI SA CLIMATE CHANGE

PAGLUBOG SA BAHA NG NAGA CITY, HUWAG ISISI SA CLIMATE CHANGE

KUNG nakapagsasalita lang itong ‘climate change’ tiyak na minura na nito ang mga opisyal ng pamahalaan na laging dito ibinabato ang sisi kapag nilugmok ng kalamidad ang kabuhayan at ekonomiya ng isang rehiyon, lalawigan, lungsod, munisipalidad o maging ng maliit na sitio.

Kung iaanalisa, kapabayaan pa rin ng mga opisyal ng pamahalaan ang dahilan lalo na ang mga pinuno ng lungsod at bayan sapagkat may sapat na pondo para mabawasan ang epekto ng kalamidad na dumarating sa kanilang nasasakupan.

Isang halimbawa sa Bicol region na kamakailan ay sinalanta ng bagyong Kristine na nagresulta ng pagkamatay ng 14-katao sa Camarines Sur, pagkasalanta ng kabuhayan ng may 400,000 katao at paglubog sa baha ng may 30 porsyento ng Naga City na pinakamalaking lungsod sa rehiyon.

Ang masaklap, hanggang ngayon ay may ilang lugar pa ang lubog sa umaalingasaw ng baho ng tubig-baha na posibleng dala ng hospital waste nang masira ang trash facility sa Brgy. San Isidro at mabagal na kilos ng lokal na pamahalaan ng Naga.

Panibagong dagok ang para sa mga evacuees ang pananatili sa evacuation centers na pinondohan ng P50 milyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation subalit ang ipinagawa ng Naga City government ay mababang kalidad kung kaya nagbitak-bitak ang mga pader, sira-sira ang mga pintuan, madulas na tiles at tumatagas na tubig.

Maging ang Jesse Robredo Coliseum na ginamit ding evacuation center ay hindi rin naipaayos na mabuti bagaman may sapat na pondong inilaan.Maging ang iba pang proyekto na may pondong umabot sa P173 milyon ay hindi natapos at ang masakit ay may naiwan pang mahigit P25.5 milyon utang na dapat pambayad sa road expansion right of way.

Kung natapos sana ang mga proyekto, hindi sana matindi ang naging epekto ng bagyo sa kanilang lungsod. Sino ang dapat sisihin?

Ang alkalde ba na si Mayor Nelson Legacion na patapos na ang termino at tatakbong  kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur?

Napakalaki ng distrito na kinabibilangan mismo ng kapitolyo ng lalawigan, kasama ang Naga City, Pili at mga bayan ng Bombon, Calabanga, Camaligan, Canaman, Magarao at Ocampo.

Tanong ng mga taga-Naga, paano makapagsisilbi ng maganda si Mayor Legacion sa napakalawak na distrito ng Camarines Sur gayong ang kanilang lungsod ay dumanas ng matinding delubyo sa ilalim ng kanyang pamumuno?