
SA pagpasok ng 20th Congress, magiging kapuna-puna ang apat na pares ng magkakapatid na manunungkulan sa Senado kaya’t hindi maiaalis na husgahan ng taumbayan kung sino sa kanilang magkakapatid ang makakapag-ambag ng batas na pakikinabangan ng mamamayan.
Hindi rin maiaalis na pagkumparahin ng marami ang kani-kanilang husay at kapasidad, hindi lang sa pag-akda ng panukalang batas, kundi sa pagsasagawa ng pampublikong pagdinig.
Alam naman natin ang tapang at tabil ng dila ni Sen. Raffy Tulfo kaya’t tiyak na ikukumpara kung ganito rin katapang at katabil ng kanyang kapatid na si Erwin habang masusuri rin kina Mark at Camille Villar kung sino sa kanila ang hahangaan ng marami.
Hindi naman kaabang-abang ang performance nina Jinggoy Estrada at JV Ejercito dahil magkasama na rin naman sila sa 19th Congress, gayundin sina Senators Allan Peter at Pia Cayetano.
Sa apat na pares na manunungkulan sa 20th Congress ng Senado, tanging sina Senators Allan at Pia lamang ang mga abogado na swak talaga para sabihing mga mambabatas lalo na’t sila lamang ang tinagurian ni Sen. Grace Poe na “Formidable duo” nang magsalita ng kanyang pamamaalam sa plenaryo.
Ayon kay Poe, hindi biro ang mga panukalang inihain, naitulak, at naisabatas ng magkapatid sa Senado dahil dahil 44 na panukalang batas at 36 na resolusyon ang inihain ni ni Senator Pia, kasama rito ang isinulong niyang reporma sa edukasyon, kalusugan at karapatan ng kababaihan habang ang kuya niyang si Sen. Allan ay nakapaghain ng 45 panukala kahit abala sa pagtutok sa digital governance, disaster preparedness, at mga reporma sa edukasyon.
Parang iisa lang ang tinatahak na landas ng mga inakda ng magkapatid — magbigay ginhawa sa mga Pilipino. Habang pagdating sa accountability o pananagutan, aktibo rin ang magkapatid dahil si Pia ang unang babaeng namuno sa Blue Ribbon Committee na paulit-ulit na kumastigo sa tobacco industry habang si Allan ang nanguna sa imbestigasyon ng pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge kaya nabisto tuloy ang napakarami ng nasirang tulay na hindi ipinaalam sa Department of Public Works and Highways.
Sana, ganito rin ang maging performance ng tatlong pares pang magkakapatid sa pagpasok ng 20th Congress dahil kapag nangyari ito, ang magiging ending ay mas maayos na sistema, mas makataong gobyerno, at mas progresibong kinabukasan.