KAMAKALAWA, sinunog na ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang halos P9 bilyong shabu na natagpuan ng mga mangingisda sa mga karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Cagayan.
Isinama na rin ang 226.043 kilo na halo-halong ibang droga.
Dapat agad ding sunugin ang bagong tagpong P166 milyong shabu rin sa Batanes.
Sa P9B shabu, isa lang dito ang natagpuang dala-dala ng apat na tao, kasama ang isang dayuhan, na nakasakay sa isang bangka.
Kaya naman masasabing walang sagabal sa pagsunog.
Kapag naipasok ang mga ito sa merkado ng iligal na droga, tiyak na libo-libo ang biktima na matatagpuan na naman nating sira ang utak at katawan at sangkot sa iba’t ibang krimen gaya ng rape, pagpatay, pagnanakaw at iba pa.
Kakambal naman nito ang pagyaman ng mga druglord at mga protektor nila sa pamahalaan, kasama ang mga tulak.
Kaugnay nito, dapat pansinin ang katotohanang nagsisibalikan ang droga kahit saan at nagaganap ito bago pa matagpuan ang mga shabu sa mga karagatan.
Gaano ba kalaki ang suplay sa loob ng ating bansa?
Kung libo-libo o may milyong adik at tulak ngayon, nangangahulugang higit na malaki ang suplay ng droga kumpara sa nasabat sa mga karagatan.
Kaya naman, dapat magdoble-triple trabaho ang mga awtoridad laban sa droga.
Dahil bukod sa nakasisira sa ulo at katawan bilang epekto ng droga at paggawa ng mga drug-related crime, nariyan din ang malaking gastos ng buwis ng bayan sa pagtatayo ng mga rehabilitation center, paggamot sa mga adik, pagpapakain sa mga ito sa kulungan at rehabilitation center, pagdadala ng mga ito sa mga korte para sa kanilang paglilitis, laban sa korapsyon at marami pang iba.
Magandang halimbawa ang ginagawa ng mga mangingisda na pagsuko ng kanilang mga nasabat na droga.
Ano naman kaya ang ating kontribusyon laban sa droga, mga brad?






