IPINAAABOT ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang aming taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng siklistang nasawi sa isang trahedya dulot ng isang “dooring incident” na naganap sa Shaw Boulevard noong Hunyo 24, 2025. Batay sa paunang imbestigasyon at kuha mula sa CCTV, isang van ang ilegal na nakaparada sa tabi ng kalsada, sakop pa ang bike lane. Dahil dito, napilitan ang biktima—isang siklista na dumaraan sa bike lane—na lumihis pa-kaliwa upang maiwasan ang van.
Habang lumalampas ang siklista sa gilid ng van, biglang bumukas ang pinto nito at tumama sa kanya. Dahil sa lakas ng tama, tumilapon ang siklista papasok sa inner lane, kung saan siya ay agad na nasagasaan ng isang paparating na SUV. Agad siyang nasawi sa insidente.
Sa paunang mga detalye, malinaw na ang may pangunahing pananagutan ay ang driver ng van. Una, illegal parking ang ginawa niya sa lugar na malinaw na may “No Parking” sign, at higit pa rito, sinakop niya ang bike lane—isang lugar na eksklusibo para sa mga siklista. Ikalawa, siya ay naging grossly negligent sa pagbukas ng pinto nang hindi muna tinitingnan sa side mirror kung may paparating na tao o sasakyan. Isa itong klasikong halimbawa ng dooring incident.
Bagama’t ang SUV ang direktang nakabundol sa biktima, ang batas ay hindi lang tumitingin sa huling kilos, kundi sa proximate cause. Ang proximate cause ay ang direktang, natural, at tuloy-tuloy na sanhi ng isang pangyayari na kung wala ito ay hindi sana naganap ang resulta—in this case, ang pagkamatay ng biktima. Hindi kinakailangan na ito ang huling kilos bago ang insidente; mas mahalaga na ito ang act that set the harmful sequence into motion.
Sa kasong ito, ang pagbukas ng pinto ng van driver—habang iligal siyang nakaparada—ang nag-umpisa ng sunod-sunod na pangyayari na nauwi sa pagkamatay ng siklista. Ayon sa CCTV, halos sabay nangyari ang insidente at ang pagdating ng SUV, kaya tila wala nang sapat na oras ang SUV driver para umiwas. Dahil dito, maaaring hindi criminally liable ang SUV driver, at ang van driver ang may criminal liability sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Ang mga ganitong insidente ay dapat bigyang pansin. Hindi lamang siklista ang maaaring mabiktima ng dooring incidents—maaari rin itong mangyari sa mga motorcycle riders at mga pasahero ng motorcycle ride-hailing services. Mariin naming kinokondena ang mga ganitong kapabayaan na lubhang nakakaapekto sa kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada.
Pinaalalahanan namin ang lahat ng motorista: ang pagmamaneho ay shared responsibility. Hindi sapat na iniisip mo lamang ang sarili mong kaligtasan—may obligasyon ka rin sa kapwa mo road user.
Maliwanag ang mga nilabag ng van driver: illegal parking, pag-okupa sa bike lane, at negligent opening of door nang hindi muna siniguradong ligtas. Hindi na natin nais pang maulit ang ganitong insidente. Kaya’t nananawagan kami sa mga awtoridad: panahon na upang higpitan ang parusa sa mga illegally parked vehicles, lalo na sa mga highways at sa mga nakahambalang sa mga designated lanes tulad ng bike lanes. Hinihikayat din namin ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko at mas aktibong presensya ng mga enforcer sa lansangan.
Atty. Albert Sadili
Spokesperson – Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)






