UNLI na nga ang ulan, may magkasunod pang bagyo na sinabayan ng isang malakas na lindol sa China.
Nagbubunga ang lahat ng ito ng mga mala-Noe na baha at maraming landslide na nagbunga ng pinaniniwalaang maramihang kamatayan at sirang ari-arian.
Kulang-kulang pa sa 50 ang iniuulat na namatay ngunit tiyak umanong darami pa ang kanilang bilang mula sa mga nakasakay sa mga sasakyang naanod at lumubog, mga bahay na tangay ng baha na may lamang tao at mga tren at sasakyang inabot ng baha sa mga subway.
Paano nga namang walang mamatay o missing kung 400 milyon ang naapektuhan, umabot sa ika-4 palapag ang baha sa mababang lugar at nasa bubong na ng mga eskwela at bahay ang mga nakaligtas?
Sa panimulang pagtaya, umaabot na umano sa P10 bilyon ang halaga ng mga ari-ariang industriyal, komersyal at agricultural, kasama ang mga sistema ng komunikasyon at paliparan.
SIYAM-SIYAM NA ULAN AT MGA DAM
Noong Hunyo 12, 2025 nagsimula ang unli na ulan at ilang araw makaraan, dumating ang super bagyo umanong Wutip at may dumating pang isang bagyo na magpapatagal ng baha
Dahil sa sobrang ulan na ngayon lang naulit umano sa nakalipas na 30 o 50 taon, umapaw ang mga ilog gaya ng Dulio River, Yangtze River at napilitang magpakawala ngayon ng tubig ang lahat ng dam, kasama ang Three Gorges Dam na pinakamalaki sa mundo.
Kaya naman, mula sa 400 milyong naapektuhan, daan-daang libo ang nagbakwit.
Kasama sa mga tinamaan ng sakuna ang mga lalawigan ng Guangdong, Hebei, Shanxi at Inner Mongolia at mga lungsod ng Zhangjiakou, Zhanjiang, Maoming, Yangjiang, Guizhou at Guanxi.
MAGAGANAP DIN SA PINAS
Matutulad muli sa Pilipinas ang nagaganap sa Tsina dahil tag-ulan na, tag-habagat at tag-bagyo.
Magkakaroon din ng unli na ulan, kambal o triplet na bagyo at tuloy-tuloy na habagat na lilikha ng mga katakot-takot na baha at landslide.
At tiyak na may mga mamamatay, masusugatan at mawawala.
Tiyak din ang bilyon-bilyong pisong ari-arian na mawala at masira, kasama ang mga tahanan, pribadong gusali at imprastraktura ng pamahalaan.
At kapag nasira ang mga tulay, kalsada, poste at wire ng mga kuryente at telepono at iba pa, maraming masisirang negosyo at hanapbuhay, kasama ang serbisyo ng gobyerno.
Marami rin ang mapapasama ng kalagayan mula sa 27 milyong mag-aaral dahil sa pagkasira ng kanilang mga eskwela, gamit sa teknolohiya, laboratoryo, aklat at maraming iba pa.
LAHAT MAGHANDA AT MAGTULUNGAN
Kabilang sa mga pinakamahalagang usapin dito ang pagtiyak ng gobyerno na tama ang mga babala ng PAGASA sa masamang panahon at paghahanda ng lahat ng puwersa ng gobyerno para sa search, rescue at iba pa.
Dapat din nitong tiyakin ang mga suplay ng pagkain at iba pang anyo ng pagkalinga hindi lang para sa mga nasa evacuation center kundi maging sa mga mawawalan sa iba’t ibang paraan at mamatayan.
Napakahalaga rin ang paghahanda at pagtutulungan ng mga mamamayan na kung isama ito sa mga pwersa ng gobyerno, gagaan ang kalagayan para sa lahat ng biktima ng kalamidad.






