MANILA, Philippines – Hinimok ni House Committee on Transportation Chair Franz Pumaren ang mga regulator na sagarin muna ang lahat ng tulong ng gobyerno para sa transport sector bago mag-apruba ng anumang taas-pasahe sa gitna ng krisis sa presyo ng langis.
Sa ginanap na Saturday News Forum, binigyang-diin ng kinatawan ng Quezon City na dapat maging maingat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagdedesisyon dahil kapwa hirap ang mga operator at mga commuter.
Sa kasalukuyan, may mga petisyong nakahain sa LTFRB na humihiling na itaas ang minimum na pamasahe sa jeep hanggang ₱25, gayunpaman, iginiit ni Pumaren na dapat munang mapakinabangan nang husto ang mga nakalatag na intervention ng administrasyong Marcos.
“Sa ngayon na ginagawa natin meron tayong fuel subsidy, may discounted fuel, meron ding per-kilometer na binibigay sa operators at drivers ng jeepney at bus, at may 20% discount pa. I think we can bank on that first,” paliwanag ng mambabatas.
Ayon pa kay Pumaren, mahalagang timbangin kung kakayanin ba ng mga commuter ang dagdag na gastos sa transportasyon, nagbabala ito na ang maling tiyempo ng taas-pasahe ay magdudulot ng domino effect sa presyo ng pangunahing bilihin. Gail Mendoza