ROXAS, Isabela – Himas rehas ang tinaguriang No. 6 Top Most Wanted Person (TMWP) regional level sa kasong rape o pang-aabuso sa kabataan at kababaihan matapos maaresto ng Roxas Police Station sa Brgy. Rizal dito sa nasabing bayan.
Sa ipinarating na ulat kay PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sa kanyang direktiba na panagutin at hulihin ang mga nagsakasala sa batas kung kayat naaresto si alyas Lucas, 31 anyos, may asawa, empleyado ng gobyerno, at residente ng Brgy. San Placido, Roxas, Isabela.
Nahaharap ang akusado sa dalawang (2) bilang ng kasong rape, isang (1) sexual assault sa ilalim ng Article 266-A(2) kaugnay ng RA 7610, at isang (1) sexual assault sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 2 ng Revised Penal Code.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-10:00 ng umaga nitong Mayo 2, 2026 sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Roxas Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit ng Police Regional Office 2, 201st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, Isabela Provincial Highway Patrol Team, at Regional Maritime Unit 2.
Matagumpay na naipatupad ng mga operatiba ang Warrant of Arrest na may petsang Abril 7, 2026 na walang inirekomendang piyansa para sa kasong rape, habang itinakda naman sa halagang P200,000.00 ang piyansa para sa sexual assault sa ilalim ng Article 266-A(2) kaugnay ng RA 7610, at Php120,000.00 para sa sexual assault sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 2 ng Revised Penal Code.
Ayon kay PCol. Bringas, ang matagumpay na operasyon ay bunga ng masusing koordinasyon at dedikasyon ng iba’t-ibang yunit ng kapulisan.
Binigyang-diin niya na ang walang humpay na pagtugis sa mga wanted na personalidad ay nagpapakita ng seryosong pagtupad ng kapulisan sa kanilang tungkulin na mapanatili ang kaayusan at maihatid ang hustisya sa mga biktima.
Pansamantala nasa kustodiya ng Roxas Police Station ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at tamang diaposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan. REY VELASCO