MANILA, Philippines – Pinabubusisi ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa Kongreso ang ilang gasolinahan dahil sa pagtataas sa presyo bago pa man opisyal na ipahayag ang pagtataas sa presyo ng langis.
Inihain ng mambabata ang House Resolution No. 1217 kung saan hinihikayat ang House Committee on Energy na imbestigahan ang premature na pagtataas sa presyo ng gasolina at panawagan na rin sa Department of Energy (DOE) na busisiin ang mga gasolinahan na nagpatupad ng pagtataas sa presyo at patawan na rin ng multa dahil sa paglabag sa fuel pricing regulations.
“Sa mga tsuper at delivery rider, bawat pisong dagdag sa gasolina ay bawas agad sa iuuwi nila sa pamilya. Hindi luho ang gasolina sa kanila—puhunan nila ito. Kapag sobra o napaaga ang taas-presyo, pagkain sa kanilang lamesa ang nasasakripisyo,” ani Tiangco.
Ang resolusyon ay inihain ng mambabatas bago pa man balikati ng mga motorista ang panibagong pagtataas sa presyo ng langis – ang diesel ay tataas ng mula ₱6.00 hanggang ₱6.50 kada litro sa linggong ito, gasolina ay tataas ng ₱5.50 hanggang ₱6.00 kada litro.
Ang panibagong pagtataas na ito ay kasunod lamang ng naganap na pagtataas sa presyo nitong July 21 kung saan ang diesel ay tumaas ng ₱10.68 kada litro gasolina ay ₱3.65, at ang kerosene ay umabot ng ₱11.77.
“Nauunawaan nating may mga pangyayari sa ibang bansa na nakaaapekto sa presyo ng langis. Pero hindi ibig sabihin nito na maaari nang mauna ang ilang gasoline station sa pagtataas bago pa man ang opisyal na schedule. Kapag may nagtaas nang wala sa oras, kailangang malinaw kung saan nakabatay ang presyo at kung sumusunod ba ito sa mga patakaran. Hindi sapat na sabihing tumaas ang presyo sa world market. Dapat maipakita na tama, makatarungan, at naaayon sa batas ang ipinapasa sa mga motorista,” dagdag pa ni Tiangco.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8479 o mas kilala bilang Downstream Oil Industry Deregulation Act, ang DOE ay inatasang magsagawa ng pagmo-monitor sa idustriya ng langis at tiyakin ang “transparency, fair competition, and consumer protection.”
Binanggit din sa resolusyon ang Batas Pambansa Blg. 33 na naamiendahan ng Presidential Decree No. 1865 kung saan nakasaad ang pagpapataw ng parusa sa hoarding, labis na pagkita, overpricing, at manipulasyon sa presyo ng langis.
“Kapag tumaas ang diesel, hindi lang tsuper ang tinatamaan. Damay ang commuter, ang manggagawang pumapasok araw-araw, ang magulang na namamalengke, ang mangingisda, at ang maliliit na negosyong umaasa sa transportasyon. Sa panahon na halos araw-araw nang pinagkakasya ng mga pamilya ang kanilang kita, hindi natin hahayaang madagdagan pa ang kanilang pasanin dahil sa posibleng overpricing o premature price increases,” ani Tiangco. Meliza Maluntag