Home OPINION ‘GATASAN’ SA LUNGSOD NG MAYNILA

‘GATASAN’ SA LUNGSOD NG MAYNILA

128
0

MAY narinig akong sinabi ni 1-Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita na “Kung hindi kayang ipatupad ang batas nang parehas ay huwag na lang ito ipatupad!”

Tumpak na tumpak si Cong. Bosita sa tinuran niyang ito. Kaya nga labis akong humahanga sa taong ito e. Palagi ko pinanonood sa Youtube ang kanyang mga vlog.

Patungkol ang kanyang sinabi sa mga ginagawang checkpoint ng mga pulis sa mga nakamotorsiklo.

Nagagalit si Bosita sa mga checkpoint na pawang motorsiklo lang ang pinapara habang pinalalampas ang  4-wheel vehicles. Isa itong malupit na diskriminasyon sa ating motorcycle riders.

Pinalalabas ng Philippine National Police na ang mga kriminal ay nakasakay sa mga motorsiklo at wala sa mga kotse, SUV o utility van.

Tiyak na mas magagalit si Bosita kapag nalaman niya na ang motorcycle riders at mga traysikel ay ginagawang “gatasan” sa Lungsod ng Maynila.

Ikinakarga sa truck at ini-impound ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB ang mga motorsiklong iligal daw na naka-parking at pagkatapos ay ipinatutubos sa mga may-ari nito. Pero kapag ang motorsiklo ay may parking ticket na inisyu ng MTPB attendant, hindi nila ito hinuhuli at ini-impound.

Sabi nga ni DWIZ veteran reporter at National Press Club director Aya Yupangco, ang mga kalsada sa Lungsod ng Maynila ay ginawa nang malaking pay parking space ng Manila City Hall. Ito ngayon ang pinakamalaking raket, este, negosyo sa Maynila.

Limpak-limpak na salapi ang kinikita sa araw-araw ng MTPB o Manila City Hall sa pag-impound o paniningil ng pay parking pa lamang. Sabi nga, may kwarta sa kalsada.

Habang humahamig ng pera ang City Hall, umiiyak naman ang mga naghahanap-buhay na motorcycle riders.

Paborito ring “gatasan” ang mga namamasadang traysikel sa lungsod. Kung kolorum o wala nga namang rehistro sa Land Transportation Office ang pumapasadang traysikel, aba’y dapat lamang na i-impound ang mga ito.

Pero napakadali lang tubusin sa impounding sa Maynila ang mga colorum tricyle. Bukod sa pera, ID lang ay maaari na uling bawiin ng may-ari ang kanyang traysikel. Hindi na aalamin kung ito ba ay naiparehistro na ng may-ari o kung hindi na ba kolorum, basta may kwarta ay maaari na muling mabawi.

Siyempre, balik-pasada ang traysikel at makalipas ang isa hanggang dalawang linggo, kapag minalas-malas ay huhulihin uli ng MTPB. So, ganun na naman…tutubusin uli ng may-ari at presto, datung na naman para sa kung sinong Herodes.

Ang laking kaibahan ng Maynila sa Quezon City kung panghuhuli sa colorum tricycle ang pag-uusapan. Ang mga kolorum sa Kyusi ay hindi na ipinatutubos bagkus ay pinipitpit o dinudurog upang ‘di na muling makabalik sa lansangan.

Sa Maynila, hinahayaan uling tubusin ang kolorum para patuloy na magatasan.

Sabi nga ni Bosita, kung tama ang pagpapatupad ng batas ay wala sanang bulok na sistemang ganito.

Sa totoo lang, walang tamang ginagawa ang MTPB o ang Manila City Hall sa pagpapatupad ng batas sa lansangan ng Maynila kundi pulos pamemera lang.

Kung seryoso talaga na maisaayos ang lansangan sa Maynila, bakit hindi hinihihila o hinuhuli ang mga sasakyan na nakasampa sa bangketa na dapat sana ay lakaran ng mga tao.

Ganito ang sinasabi ni Mayor Honey Lacuna na pagsisilbi niya at pagbibigay-prayoridad sa mamamayan ng Maynila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here