Home NATIONWIDE Gatchalian nagbabala sa lumalaganap na online love scam

Gatchalian nagbabala sa lumalaganap na online love scam

MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian laban sa paglaganap ng mga love scam dahil sa mas maraming tao ang inaasahang maghanap o sumubok ng online dating sa gitna ng pagdiriwang ng buwan ng pag-ibig.

“Dapat mag-ingat ang mga indibidwal na interesado sa online dating laban sa mga mapagsamantala sa mga panahong ito sa pamamagitan ng romance o love scam,” sambit ni Gatchalian.

Sa gitna ng lumalawak na digital transactions, ipinaalala ni Gatchalian ang inihain niyang Senate Bill 2407, na kilala bilang Anti-Financial Account Scamming Act.

Layunin ng panukalang batas na protektahan ang sistema ng pananalapi ng bansa, tiyakin na protektado ang lahat ng financial accounts at may-ari nito; at hindi naaakit ng cybercriminals sa paggawa ng ilegal na gawain.

“Sa konteksto ng mga internet love scam, ang scammer ay karaniwang gumagawa ng isang kaakit-akit ngunit pekeng profile account sa social media upang makuha ang interes ng mga potensyal na biktima,” ayon kay Gatchalian.

Ipinaliwanag pa ng senador na karaniwang mabilis ang pag-usad ng relasyon sa pagitan ng scammer at ng binibiktima nito.

“At kapag nakuha na ng scammer ang tiwala at kumpiyansa ng biktima, hihingi ito ng malaking halaga ng pera. Kapag naipadala na ang pera, parang bulang mabilis na naglalaho ang scammer,” anang solon.

Binigyang-diin pa ni Gatchalian na parehong lalaki at babae ang biktima sa ganitong modus, lalo na ang mga may problema sa pakikipagrelasyon o iyong mga naghahanap ng karelasyon, at ‘yung sinasabing emotionally vulnerable kabilang na dito ang mga may edad na.

Kadalasang nagaganap ang pambibiktima sa ilang dating apps o social media, anang solon.

“Ang love scam ay isa rin sa mga karaniwang ginagamit ng mga sindikato na nauugnay sa ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kasama ng mga investment scam at cryptocurrency scam,” giit pa ng senador.

“Huwag tayong basta nagpapabihag sa iba’t ibang uri ng love scam. Kailangan nating maging mapanuri sa ating mga transaksyon lalo na kung may kinalaman ito sa pinagpaguran nating pera,” diin niya.

Naghain na rin si Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong parusahan ang mga indibidwal na kusang-loob na magpapahintulot sa sarili na magamit bilang money mules, mga taong nakikibahagi sa social engineering scheme, at iba pang mapanlinlang na financial scheme kabilang ang love scam.

Sa pag-asang mabilis na maisasabatas ang mga nabanggit na panukala, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang higit pang paghusayin ng gobyerno ang pagtugis nito sa mga gumagamit ng financial accounts o e-wallet para makapanloko. Ernie Reyes

Previous article1,800 indibidwal nakilahok sa clean up drive sa Malabon
Next articleP7M shabu nasabat, suspek arestado