MANILA, Philippines – Idedeklarang “crime scenes” ang umano’y ghost at substandard flood control projects sa La Union upang maiwasan ang anumang pakikialam, ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, special adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“We’re going to declare this as a crime scene. Isesecure namin ito kung sakaling may mag-intrude dito, kakasuhan natin,” pahayag ni Magalong sa inspeksyong kasama si DPWH Secretary Vince Dizon sa Bauang at Tubao.

Ayon kay Dizon, kapansin-pansin ang kawalan ng construction plans sa halos lahat ng proyekto. Binanggit niya ang ₱180-milyong dike project sa Bauang na iginawad sa Silver Wolves, na dapat natapos pa noong Marso 2025 ngunit hindi pa rin kumpleto. Natuklasan din ang mga pekeng tubo na mas mababa pa sa isang talampakan imbes na dalawang metro, at may bahagi ng dike na sira na dahil sa ulan.
Sa Tubao, isang ₱50-milyong flood control project na 500 metro lang ang haba ang kinuwestiyon, habang isang “ghost project” naman sa Barangay Rizal ang kasalukuyang bineberipika.








