GUINOBATAN, Albay- SABOG ang bungo ng isang ginang matapos barilin sa ulo ng isa sa dalawang hindi pa kilalang suspek habang nagluluto ng lugaw sa kanyang tindahan ang una, kahapon ng umaga sa bayang ito, Setyembre 16.
Kinilala ang biktimang si Nenita Bragancia, 58-anyos, negosyante, at residente ng Purok 3, Barangay Ilawod, Guinobatan, Albay.
Batay sa report ng Guinobatan Municipal Police Station, bandang 5:30 AM nang maganap ang krimen sa loob ng lugawan ng biktima sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagluluto ang biktima sa kanyang tindahan nang pumasok ang dalawang lalaki at nagpanggap na kustomer saka umorder ng dalawang kape.
Ilang minuto ang makalipas, bigla na lamang tumayo ang isa sa suspek habang naglilibing lookout ang isa saka binaril sa ulo ang biktima.
Duguang bumulagta sa sahig ang biktima habang mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Isinugod naman sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas subalit wala na rin itong buhay nang idating.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico