Home NATIONWIDE Global oil crisis sinisi ng Malakanyang sa pagtaas ng unemployment

Global oil crisis sinisi ng Malakanyang sa pagtaas ng unemployment

1
0

MANILA, Philippines – Sinisisi ng Malakanyang ang global oil crisis sa labanan sa Gitnang Silangan sa naging pagtaas ng unemployment rate sa bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inaasahan na ng goberno ang epekto at patuloy na roll out interventions para matulungan ang mga apektadong manggagawa.

Pahayag ito ni Castro matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang unemployment rate ng 4.8% noong Mayo mula 3.9% sa kaparehong buwan ng nakaraang taon, tinatayang 2.5 milyong pinoy ang walang trabaho, tumaas mula sa 2.03 milyon noong nakaraang taon.

Winika pa ni Castro na sa pinakabagong labor force figures sumasalamin ito sa epekto ng external economic shocks, partikular na sa agriculture sector.

“Ito po naman ay talagang inaasahan dahil nga po naging reason ang global oil crisis,” ang sinabi ni Castro.

“Kahit po sa parte ng agrikultura… tinitingnan din po ito ni Secretary Kiko Laurel anong sektor dahil talaga pong malaki rin po ang naging epekto ng naging kaguluhan sa Middle East sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, sinabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa na nawalan ang labor market ng 660,000 jobs year-on-year, na may kabuuang employment na pagbaba sa 49.63 milyon mula sa 50.29 milyon noong May 2025.

Sinabi ng PSA na “agriculture and forestry recorded the largest employment decline, shedding 905,000 workers from a year earlier.”

Isinisisi naman ni Mapa ang malawakang pagkalugi sa weather-related disruptions, kabilang na sa epekto ng El Niño, nakaapekto sa crop production, partikular na sa bigas, mais at iba pang agricultural commodities.

Gayunman, sinabi ni Castro, na naramdaman ng sektor ang epekto ng mas mataas na presyo ng fuel dahil sa dala ng gulo sa Gitnang Silangan.

Tinuran pa rin nito na maraming mangingisda ang hindi na nagawang makapag-operate dahil sa sumirit na presyo ng langis sa kabila ng nakatatanggap ang mga ito ng tulong mula sa gobyerno.

“Halimbawa po iyong mga mangingisda, dahil nga po sa taas ng krudo… may mga mangingisda tayong apektado,” ang sinabi ni Castro.

Aniya pa, may ilang manggagawa sa agrikultura at pangisdaan ang naghahanap ng ibang mapagkukuhanan ng pangkabuhayan matapos na pansamantalang iwan ang kanilang tradisyonal na hanapbuhay.

“Since hindi naman sila makapangisda… iyong iba nating mga miyembro ng agrikultura, instead na sila ay manatili na farmer or mangingisda, minsan… lumilipat sila ng ibang maaaring pagkakitaan,” ang dagdag na wika nito.

Maliban sa agrikultura, iniulat ng PSA ang mahalagang employment losses sa ibang service activities, partikular na sa household workers, drivers, at gardeners, at maging sa public administration at wholesale and retail trade.

“Hindi po siya napag-usapan in particular, dahil even before po na nagkaroon po ng kaguluhan sa Middle East ay nagiging parte na po ito ng usapan para po maibsan nga po iyong impact sa ating mga kababayan,” ang tinuran ni Castro.

Samantala, tanggap naman ng gobyerno na hindi ganap na mao-offset ng financial assistance ang epekto ng napakatagal ng pagtaas ng presyo sa langis subalit binigyang diin na nananatiling ‘in place’ ang aid programs.

Tiniyak ni Castro na patuloy na naka-monitor ang administrasyon sa labor market conditions at handang tumugon kung kinakailangan.

“Hindi naman po ito pinapabayaan, lagi po itong mino-monitor ng ahensiya ng gobyerno at marami pong ginagawa,” anito pa rin.

“Nandoon pa rin po iyong interventions ng government para po kahit papaano ay maibsan nga ang impact nitong nararanasan natin,” dagadg na pahayag ni Castro.

Sa kabila ng pagtaas ng unemployment, iiulat ng PSA ang improvement sa underemployment, bumagsak sa 12.2% noong Mayo from 13.1% noong nakaraang taon at 15.2% noong Abril. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here