Home METRO P689M ayuda, benepisyo ilalabas na, 359K guro, pulis, senior, PWD at estudyante...

P689M ayuda, benepisyo ilalabas na, 359K guro, pulis, senior, PWD at estudyante makikinabang — Yorme Isko

1
0

MANILA, Philippines – Nasa halos P689 milyon ang ilalabas na pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa mga pulis, guro, estudyante, senior citizen, persons with disability (PWD), at solo parents ngayong Hulyo.

Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kanyang “Talk to the People” livestream nitong Martes, Hulyo 7, kung saan sinabi niyang aabot sa P688.9 milyon ang kabuuang benepisyo para sa 359,295 benepisyaryo sa lungsod.

Ayon sa alkalde, ang pondo ay magmumula sa iba’t ibang programang pinondohan ng lungsod at ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.

Sa kabuuang halaga, mahigit P611 milyon ang manggagaling sa kaban ng lungsod habang P77.79 milyon naman ang mula sa Social Pension Program ng DSWD para sa mga kwalipikadong senior citizen.

Kabilang sa makatatanggap ng benepisyo ang libu-libong miyembro ng Manila Police District, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology na tatanggap ng buwanang insentibo para sa mga buwan ng Abril hanggang Hunyo.

Makikinabang din ang mahigit 12,000 guro sa Maynila, libu-libong Grade 12 students, gayundin ang mga mag-aaral ng Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng educational assistance at subsidies.

Pinakamalaking bahagi ng pondo ang mapupunta sa mga senior citizen kung saan mahigit 212,000 nakatatanda ang tatanggap ng kanilang monetary allowance mula sa lungsod. Bukod dito, may karagdagang social pension pa ang mahigit 25,000 senior citizens na rehistrado sa DSWD.

Kasama rin sa mga benepisyaryo ang mahigit 63,000 PWD at higit 17,000 solo parents na makatatanggap ng kanilang nakatakdang ayuda mula Hulyo 22 hanggang 24.

Binigyang-diin ni Domagoso na walang pinipiling estado sa buhay ang mga programang ito dahil layunin nitong matulungan ang lahat ng kwalipikadong residente ng Maynila.

“Walang distinction—mahirap, middle class at mayaman. Basta kwalipikado at residente ng Maynila, makakatanggap ng benepisyo,” ayon sa alkalde.

Hinimok din ni Yorme Isko ang publiko na bantayan ang iskedyul ng payout upang matiyak na matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang mga ayuda at insentibo.

Kasabay nito, tiniyak ng alkalde na patuloy na gagamitin ng kanyang administrasyon ang pondo ng bayan nang may pananagutan at mahusay na pamamahala upang mas maraming Manileño ang makinabang sa mga programa ng lungsod. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here