MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Malacañang ang paratang na tina-target ng gobyerno ang pamilya Duterte kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong crimes against humanity sa ICC.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, si Duterte lamang ang tinukoy sa warrant, hindi ang iba pang umano’y kasabwat.
”Okay. Kapag ba sini-single out ibig po ba sabihin gusto niya mas marami pa ang madamay? Tandaan po natin, sa warrant of arrest ang dating Pangulong Duterte ay dinescribe [describe] bilang indirect co-perpetrator. So, ang nais niya po ay dapat hindi lang ang ama niya ang maaresto dahil may mga diumano pang kasabwat,” ani Castro.
”Well, anyway ang ibig pong sabihin nito, gusto naman po niyang iparating sa taumbayan na kawawa na naman po ang mga Duterte dahil sini-single out. Ang warrant of arrest po ay para lamang po kay dating Pangulong Duterte wala pa po ang ibang mga co-perpetrators na nakasaad doon. So, hindi po tayo makakaiwas na si dating Pangulong Duterte lamang po ang i-surrender sa ICC,” dagdag pa ni Castro.
”So, walang sini-single out dito. Ang nangyayari dito, iyong mga kasong tungkol sa crimes against humanity kagagawan din po ng kaniyang ama na ibinibintang sa kanila,” aniya pa.
Itinanggi rin niya na ito ay isang diversionary tactic mula sa ibang isyu.
Samantala, binatikos ni Mayor Sebastian Duterte si Pangulong Marcos Jr. sa pagpapahintulot ng pag-aresto, ngunit iginiit ni Castro na hindi dapat hadlangan ng utang na loob ang pagpapatupad ng batas. RNT