Home METRO Gobyerno, handa sa magiging resulta ng US tariff

Gobyerno, handa sa magiging resulta ng US tariff

MANILA, Philippines – Nakahanda ang gobyerno sa anumang magiging resulta ng negosasyon sa Estados Unidos hinggil sa ipinataw na 17% na reciprocal tariff sa Pilipinas.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na pinag-aaralan ng economic team ng administrasyon ang mga hakbang na maaaring gawin ng pamahalaan anuman ang magiging desisyon ng Amerika sa ipinataw na mas mataas na reciprocal tariff sa Pilipinas.

“Anu’t anuman po ang mangyari dito, kailangan po ang bansa ay handa, kaya po ang Pangulo natin, ang economic team ay lagi pong pinag-aaralan ang mga patungkol dito,” ayon kay Castro.

“Sa ngayon po, sabi po ay ongoing pa rin ang negosasyon at hindi pa rin po kami makakapagbigay ng anumang detalye patungkol po dito. Pero asahan po natin kung anuman po ang magiging solusyon dito or rather resolusyon dito, ito po ay para po sa ikabubuti ng ating bayan,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Winika pa rin ni Castro na pinaghahandaan din ng economic team ang iba’t ibang scenario, sakaling makumbinsi ng gobyerno ang Amerika na ibaba ang ipapataw na taripa, o panindigan ng Estados Unidos ang kanilang polisiya, o taasan pa ang taripa. /Kris Jose