Home OPINION GOOD AT BAD NEWS SA PETROLYO

GOOD AT BAD NEWS SA PETROLYO

MASASABI nating may good news at bad news sa mga araw na ito.

Ang good news?

Lahat makikinabang sa malaking rolbak ng mga presyo ng petrolyo sa bukas.

Ayon kay Department of Energy Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, bababa ang presyo ng gasolina sa P3.30 hanggang P3.75 kada litro, diesel sa P2.90 hanggang P2.30 kada litro at gass o kerosene sa P3.30 hanggang sa P3.50 kada litro.

Kakaiba ang nangyari sa mga nakaraang taon na tuwing sasapit ang Mahal na Araw, itinataas ng mga kompanya ng langis para sila kumita.

Ayon kay Romero, mga Bro, nagbaba ang Saudi Arabia ng presyo ng benta nitong langis sa Asya at ang Organization of Petroleum Exporting Countries ay nagtaas naman ng produksyon para sa Mayo 2025 ng 411 bariles kada araw na nagbunga ng pagdami ng langis sa pamilihan para maging mas mura ito.

LABANAN SA TARIPA NG US AT CHINA

Gayunman, may hindi binabanggit na malaking dahilan ng malaking rolbak sa presyo ng langis.

Walang iba kundi ang pagtigil ng biyahe ng mga barko at eroplano sa pagitan ng China at United States sa gitna ng labanan nila sa tariff o buwis sa importasyon.

Nagpataw si President Donald Trump ng 145 porsyentong pagtaas ng buwis sa lahat ng inaangkat nitong produktong galing sa China at gumanti naman ang China ng 125%.

Meron pang mga kanselasyon ng delivery ng mga produkot laban sa isa’t isa.

Resulta, tumigil ang maraming barko at eroplano sa pagbibiyahe ng mga produkto at serbisyo patungo sa isa’t isa kaya malaking kabawasan sa bilihan ng langis ang kawalan ng biyahe at konsumo sa langis.

Itong dalawang bansa kasi ang pinakamayaman sa buong mundo at sa kanila galing ang karamihan sa mga ibinebenta produkto at serbisyo.

PAKINABANG AT BAD NEWS PA

lahat ng motorista, pribado man o namamasada, makikinabang sa pagbaba ng presyo sa langis sa kanilang pagtitipid at pagmulan pa nga ng mas malaking kita sa loob ng isang linggo.

Maging ang mga mangingisda at magsasaka na gumagamit ng mga makina o generator para sa bangka, pag-aararo at pagpapatubig, makikinabang din.

Ang mga negosyante sa pagkain na gumagamit ng kerosene gaya ng mga tinderol ng mani, mais, fishball at iba pa, makikinabang din.

Ang bad news, lalo na sa mga pasahero, walang karampatang diskwento sa pamasahe.

Hindi rin tayo nakatitiyak na may epekto ito sa presyo ng mga bilihin dahil tuwing Semana Santa, nagtataas lahat ng presyo.

Maging ang bigas, delata, biscuit at iba pang pagkain, kasama ang mga materyales sa paggawa ng bahay ay walang nakasisiguro na magmumura sa loob ng isang linggo kahit makatipid sa delivery ang mga kompanya sa delivery ng mga ito.

Ang totoo niyan kasi, isa sa mga nagpapamahal sa presyo ang hindi masawa-sawatang kotong sa mga lansangan ng mga pulis at traffic enforcer na ikinakarga ng mga negosyante sa presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo.

At walang tigil ang salot na kotongan, may rolbak man o price hike sa langis.