TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Nag-alok si Cagayan Gov. Manuel Mamba ng P1 milyon reward money para sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon para sa agarang pagkakadakip sa mga suspek sa pagbaril-patay kay Rizal Mayor Atty. Joel Ruma.
Ayon kay Gov. Mamba ay upang mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Mayor Ruma.
Una nang kinondena ni Gov. Mamba ang pagpatay kay Mayor Ruma at inihayag na walang puwang ang karahasan sa probinsiya.
Kasunod nito ang pakiusap ng ama ng lalawigan sa mga mamamayan ng bayan ng Rizal na makipagtulungan sa mga otoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng karumaldumal na pagpatay.
Si Mayor Ruma ay binaril ng hindi nakilalang suspek habang ito ay nagsasagawa ng campaign rally sa barangay Illuru sa nasabing bayan gabi ng Abril 23, 2025 kung saan ay nadamay pa ang dalawang sibilyan na sugatan.
Samantala, pinatutukan ngayon ni PNP Chief Gen. Francisco Rommel Marbil sa kanyang personal na pagbisita sa mismong pinangyarihan ng krimen ang itinatag at binuong Special Investigation Task Group o SITG ng Police Regional Office 02 o PR02.
Kasabay nito ay tuluyan nang sinibak sa pwesto ang hepe at nagtalaga ng bagong Officer in Charge ng Rizal Police Station. REY VELASCO