MANILA, Philippines – Arestado ang isang grade 11 student matapos mahuling may bitbit na mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu, sa isang buy-bust operation sa Maynila nitong Martes, Agosto 20 ayon sa pulisya.
Sa ulat nitong Miyerkules, kinilala ng Manila Police District (MPD) ang estudyante na si Mark Bullet Dela Rosa, na nahuli ng mga awtoridad sa kahabaan ng Barangay 463, Zone 46 sa Sampaloc dakong 6:40 a.m.
Ayon sa pulisya, nahuli ang suspek na nagbebenta ng isang maliit na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kung saan nagpanggap na buyer ang isang operatiba ng MPD.
Nakumpiska rin sa kanya ang dalawang maliit na sachet at dalawang mas malaking plastic sachet na may hinihinalang shabu na humigit-kumulang 150 gramo ang bigat, na nagkakahalaga ng P1,020,000.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya si Dela Rosa at mahaharap sa mga reklamo dahil sa paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Jocelyn Tabangcura-Domenden