MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang grupo ng mga alkalde kay Pasig City Mayor Vico Sotto at Marikina Mayor Marcy Teodoro kasunod ng paghahain ng ilang reklamo laban sa kanila, sa pagsasabing ang mga ito ay posibleng ‘politically motivated’ sa papalapit na halalan.
“The complaints filed against them with the Ombudsman are an opportunity for the truth to come out and for their names to be cleared,” saad sa press release ng Mayors for Good Governance (M4GG) nitong Huwebes, Agosto 22.
“As a movement that advocates for good governance and the fight against corruption, we always prioritize transparency and accountability,” ayon sa grupo.
“These three mayors have demonstrated and continue to embody these principles.”
Si Teodoro ay nagsisilbing convenor ng M4GG habang si Sotto ay kabilang sa mga miyembro nito.
Ayon sa record ng M4GG nitong Agosto, may miyembro itong 180 alkalde sa membership roster nito sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Umaasa naman ang grupo na magiging patas ang imbestigasyon at mananaig ang hustisya sa mga opisyal.
Kung maaalala, si Sotto at dalawa iba pang opisyal ng Pasig City ay nahaharap sa graft complaint dahil umano sa alleged illegal grant of discount sa telecommunications provider na Converge.
Dagdag pa, nahaharap din si Sotto at tatlo iba pang opisyal ng lungsod ng reklamo sa graft at paglabag sa Government Procurement Reform Act sa umano’y undistributed cash allowance para sa mga empleyado ng Pasig City Hall.
Inihain din sa Pasig regional trial court ang petisyon na nananawagan ng temporary restraining order (TRO) laban sa konstruksyon ng bagong city hall.
Tinukoy si Sotto bilang isa sa mga respondents nito.
Nauna na niyang sinabi na ang paghahain ng reklamo laban sa kanya ay posibleng bahagi ng ‘dirty tactics’ ng ilang political groups.
Para naman kay Teodoro, ang mga reklamong inihain laban sa kanya ay bahagi ng mas malaking pattern ng pamumulitika at harassment sa grupo, sabay-sabing ang mga akusasyon laban sa kanya ay ‘baseless’ at ‘unfounded.’
Nabahala rin ito sa timing ng mga reklamong inihain laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
“The complaint filed against me and other city officials coincides with the upcoming filing of candidacy for the next elections. It’s hard to ignore the timing of this, as it raises some serious questions about the motivations behind it,” saad sa hiwalay na press release ni Teodoro. RNT/JGC