Home HOME BANNER STORY Mga hayop sa Manila Zoo, ‘di ikinukulong – Manila LGU

Mga hayop sa Manila Zoo, ‘di ikinukulong – Manila LGU

MANILA, Philippines – Nakatatanggap ng sapat na pangangalaga at hindi ikinukulong ang pinakabagong miyembro ng Manila Zoo na si Isla, isang baby lioness, sinabi ng Manila City LGU nitong Huwebes, Agosto 22.

“Animals in Manila Zoo are not imprisoned. We are aware of animal welfare and the rights of the animals,” ayon kay Olan Marino, Manila Public Recreations Bureau (PRB) Officer-in-charge, sa panayam ng GMA News.

Ito ay kasunod ng batikos na natanggap ng lokal na pamahalaan ng Maynila mula sa mga netizen sa pagpapakilala kay Isla sa publiko.

Binatikos ng dalawang animal welfare groups na People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) at Philippine Animal Welfare Society ang Manila Zoo sa pagdadala ng panibagong hayop ilang buwan lamang matapos na mamatay ang elepanteng si Mali na namuhay na nakakulong sa zoo.

Ani Marino, si Isla ay dumating sa Manila Zoo noong Disyembre 15, 2023 na ibinigay at ipinagkatiwala ng Lions Club of Manila.

Sinabi nito na si Isla ay inihiwalay sa kanyang ina, ngunit “it is a common practice for zoos, in captivity, to separate the cubs from the mother due to foreseen violence of their parents, and for breeding program purposes.”

Siniguro naman ng Manila PRB na makatatanggap si Isla ng sapat na pangangalaga, Lalo pa’t ang kanilang mga beterinaryo at animal keepers ay well trained sa pag-aalaga ng iba’t ibang breed ng hayop.

Nitong Martes ay ipinakilala ng Manila Zoo si Isla sa publiko. RNT/JGC