Mariing tinututulan ng ilang grupo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang dagdag singil sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Nitong Setyembre 8, lumagda ang unang grupo ng mga OFW ng petisyon na ginanap KAKAMMPI-PDOS Center sa Ermita, Manila, kasabay ng Pre-Departure Orientation Seminar ng mga OFW.
Pinangunahan ito ng grupong PUSO ng NAIA katuwang ang iba’t ibang samahan ng migranteng manggagawa.
Giit ng mga OFW, taliwas sa pahayag ng DOTr at MIAA, ramdam nila ang epekto ng dagdag bayarin tulad ng mas mataas na presyo ng airline tickets, shipping cost sa mga padala, remittances, at iba pang gastusin sa loob ng NAIA gaya ng pagkain at parking.
Ayon kay Glecy Naquita ng National Confederation of Labor (NCL), hindi makatarungan ang dagdag-singil habang hindi naman nararamdaman ang sapat na serbisyo mula sa paliparan.
Giit ni Naquita, dapat magkaroon ng masusing konsultasyon bago ipatupad ang anumang bagong bayarin.
Sinabi pa ni Naquita na ito ay isang mass transportation na dapat pinatatakbo ng gobyerno at hindi ng pribado.
Lahat din aniya ng bayarin ay i-freeze hanggat walang nagaganap na konsultasyon.
Pinasinungalingan ng grupong OFW Wellness, alyado ng koalisyong PUSO ng NAIA, at sinasabi ng pamahalaan na ligtas daw ang mga OFW sa pagtaas ng mga terminal fees.
Hinaing ng mga OFWs na sobrang mahal na rin ng ticket palabas ng bansa magmula noong Disyembre ng mag takeover ang kumpanyang NNIC ni Ramon Ang.
Bukod dito, hindi na rin maaring magtagal sa airport ang mga kamag-anak sa paghahatid sa NAIA dahil mahal na ang parking at wala na ring murang restaurant para makapagsalo-salo ang pamilya.
Ayon sa mga OFWs, pabigat sa kanila ang dagdag singil sa NAIA at malaking kabawasan sa iuuwi nilang kita mula sa ibang bansa.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)