MANILA, Philippines – Sa kabila ng namumuong banggaan sa pagitan ng Executive at Legislative Department, pinalusot na ng House Committee on Appropriations ang panukalang badyet ng Office of the President dahil sa “institutional courtesy” kahit tumutol ang ilang oposisyon.
Sa pagharap ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa komite, ipinaliwanag niyang hindi makikipagbanggaan sa Legislative Department ang sangay ng ehekutibo sa gitna ng isyu ng korapsyon na nakapaloob sa maanomalyang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ang binigyang linaw ni Bersamin matapos maglabas ng pahayag na nagsasabing “clean your house first” bago magturo sa mga miyembro ng gabinete sa isyu ng korapsyon.
Tugon ito ni Bersamin nang usisain sa House Committee on Appropriations ang kanyang pahayag habang tinatalakay at binubusisi ng mga kongresista ang 2026 budget ng Office of the President na nagkakahalga ng P27.3 bilyon.
Kasabay nito ay ipinaliwanag din ni Bersamin na hindi magiging hadlang ang lilikhaing independent investigating body laban sa korapsiyon sa mga flood control projects ng House Committee on Infrastructure.
Sinabi pa ng kalihim na hindi rin magiging conflict sa oversight power ng Kongreso ang itatatag na independent investigating body na sa mga susunod na araw ay ilalabas na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang executive order. (Meliza Maluntag)