MANILA, Philippines – Dapat ilagay sa kustodiya ng Senado si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na kadarating lang ng bansa matapos maaresto ng mga awtoridad sa Indonesia.
Ito ang sinabi ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros nitong Biyernes, Setyembre 6 kung saan sinabi niya na:
“Dapat sa Senado muna siya i-detain para makaharap sa hearing sa Lunes. Ginagalang ko ang karapatan ng Judiciary na maglabas ng warrant pero ang Senado ang may pinaka-unang arrest warrant laban sa kanya.”
Nahaharap sa masusing imbestigasyon ng Senado si Guo bilang isa sa mga incorporator ng Baofu Land Development Inc., ang may-ari ng lupa kung saan matatagpuan ang nilusob na POGO hub noong Marso.
“Ang Senado ang nag-trigger ng manhunt. Senate warrant ang bitbit ng ating law enforcement sa Jakarta,” dagdag ni Hontiveros.
Nag-isyu ng warrant of arrest ang korte sa Tarlac laban kay Guo dahil sa graft charge nitong Huwebes.
Sa kabila nito, nanindigan si Guo na hindi siya sangkot sa anumang POGO-related crime. RNT/JGC