MANILA, Philippines – Magdadala pa rin ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa bansa ngayong Huwebes ang Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa PAGASA.
Isang low-pressure area (LPA) ang namataan 540 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Makakaranas ng paminsang pag-ulan ang Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Cavite, Occidental Mindoro, at Antique. May banta ng flash flood at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
May kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Ilocos Region, Cordillera, Negros Island, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, ilang bahagi ng MIMAROPA at Western Visayas, mainland Cagayan, Gitnang Luzon, CALABARZON, at Davao Occidental.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng pabugso-bugsong ulan at thunderstorm, kadalasan sa hapon o gabi.
Katamtaman hanggang malakas ang hangin sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon na may maalon na dagat, habang banayad hanggang katamtaman ang hangin at alon sa ibang bahagi ng bansa. RNT