MANILA, Philippines – Inaasahang mapapalakas ng Tropical Depression Jacinto ang Southwest Monsoon o Habagat, na magdadala ng malakas na pag-ulan sa ilang lugar sa Luzon at Visayas, sinabi ng state weather bureau PAGASA nitong Huwebes.
Sa kanilang 11 a.m. bulletin, sinabi ng PAGASA na naglabas ito ng heavy rainfall outlook dahil sa Habagat-enhanced Jacinto.
Batay sa outlook, makakaranas ng malakas na pag-ulan sa Huwebes hanggang Biyernes ng tanghali ang 50 hanggang 100 millimeters – Occidental Mindoro, Palawan, Antique, at Negros Occidental; at Biyernes ng tanghali hanggang Sabado ng tanghali ang 50 hanggang 100 millimeters – Occidental Mindoro at Palawan.
“Forecast rainfall may be higher in mountainous and elevated areas. Moreover, impacts in some areas may be worsened by significant antecedent rainfall,” saad ng PAGASA.
“The public and disaster risk reduction and management offices concerned are advised to take all necessary measures to protect life and property,” dagdag nito.
Sinabi ng PAGASA, namataan si Jacinto sa layong 480 kilometro kanluran ng Subic Bay, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang tropical depression pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Si Jacinto ay inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Huwebes ng gabi at magla-landfall sa Vietnam sa Sabado.
Sinabi ng PAGASA na si Jacinto ay nakikitang dahan-dahang lalakas at maaaring umabot sa kategoryang tropical storm sa Biyernes. RNT/MND