MANILA, Philippines — Nanatiling nakabinbin sa Korte Suprema ang consolidated habeas corpus petitions na inihain ng pamilya Duterte kaugnay ng pag-aresto at pagdala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Kinumpirma ito ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting sa pulong balitaan nitong Miyerkules.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte at Veronica “Kitty” Duterte, na kumukuwestiyon sa legalidad ng pag-aresto at paglipat sa dating pangulo sa kustodiya ng International Criminal Court. Nakasaad sa opisyal na docket ng SC na consolidated ang mga petisyon sa G.R. Nos. 278798, 278763 at 278768.
Humihiling din ang pamilya na atasan ang mga kinauukulang opisyal ng gobyerno na gumawa ng hakbang para sa agarang pagbabalik ni Duterte sa Pilipinas.
Samantala, nananatiling nakakulong si Duterte sa ICC Detention Centre sa The Hague habang nagpapatuloy ang proceedings sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Personal na dumalo si Duterte nitong Setyembre 16 sa ikatlong status conference ng ICC Trial Chamber III. Jocelyn Tabangcura-Domenden