MANILA, Philippines — Ikinatuwa ni Sen. Risa Hontiveros ang kahandaan ng Roblox na makipagtulungan sa mga awtoridad ng Pilipinas at ikonsidera ang pagtatalaga ng local representative sa bansa bilang bahagi ng mga hakbang laban sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata.
Tinalakay ito sa pulong ni Hontiveros sa mga kinatawan ng Roblox kaugnay ng panukalang SAGIP Bata Act, na naglalayong palakasin ang pananagutan ng mga online platform sa pagprotekta sa mga menor de edad.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magkaroon ang mga online platform ng kinatawang nakabase sa Pilipinas na maaaring tumanggap ng subpoena, takedown at blocking orders, requests para sa account information at iba pang legal na kautusan.
“Kapag may batang Pilipinong posibleng biktima ng grooming o online sexual abuse, bawat oras ay mahalaga. Kailangang alam agad ng ating mga awtoridad kung sino ang lalapitan,” ani Hontiveros.
Ayon sa Roblox, mayroon na itong umiiral na channels para sa pakikipag-ugnayan sa Philippine law-enforcement agencies at bukas itong magtalaga ng kwalipikadong third party bilang local representative.
Sinabi ni Hontiveros na layunin ng requirement na magkaroon ng malinaw at maaasahang accountability at compliance mechanism sa pagitan ng online platforms at mga awtoridad.
“We appreciate Roblox’s openness and its existing work with our law-enforcement agencies,” aniya.
Giit ng senadora, hindi lamang mga magulang at batang users ang dapat managot sa kaligtasan online dahil may responsibilidad din ang mga platform na pigilan ang grooming, exploitation at iba pang uri ng pang-aabuso sa kanilang serbisyo. Ernie Reyes