Home NATIONWIDE Health expert nagbabala sa pagtaas ng kaso ng dengue

Health expert nagbabala sa pagtaas ng kaso ng dengue

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng health expert ang publiko na huwag mag-atubiling pumunta sa ospital kapag nakararanas ng sintomas sa gitna ng pagtaas ng kaso ng dengue.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital, kapag nilagnat ng tatlong araw lalo na ang mga bata ay dapat itong dalhin sa ospital.

Sinabi ni Solante na kapag nasa ospital na, naisasagawa ang kumpletong blood count (CBC) at nababantayan ang hematocrit level at platelet count.

Paliwanag ni Solante, kapag pababa ang platelet at pataas ang hematocrit, isa aniya ito sa mga warning signs ng dengue kaya hindi na pinauuwi ang pasyente sa ospital.

“Lahat ng mga ospital may capability to accommodate all dengue cases,” sabi ni Solante .

Nitong Sabado, Pebrero 15, inihayag ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na mayroong dengue outbreak sa lungsod, sa gitna ng matinding pagtaas ng mga kaso at hindi bababa sa 10 namamatay dahil sa virus ngayong taon.

Gayunman, sinabi ni Solante na tumataas din ang mga kaso ng dengue sa ibang mga lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden