Home NATIONWIDE High-powered firearms nasabat sa mga miyembro ng NPA sa Surigao, Bukidnon

High-powered firearms nasabat sa mga miyembro ng NPA sa Surigao, Bukidnon

5
0

MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga tropa ng pamahalaan ang mga high-powered firearm, bala at iba pang kagamitang militar mula sa dalawang hinihinalang imbakan ng armas ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur at Bukidnon, ayon sa Philippine Army.

Sa magkahiwalay na operasyon ngayong buwan, narekober ng militar ang apat na assault rifle, daan-daang bala, mga magazine at iba pang kagamitang pinaniniwalaang itinago ng mga rebeldeng komunista.

Pinakahuling nadiskubre ang imbakan noong Hulyo 13 nang makarekober ang pinagsanib na puwersa ng 30th at 36th Infantry Battalion ng tatlong AK-47 rifle na may binurang serial number sa Sitio Tubakon, Barangay Bitaugan, San Miguel, Surigao del Sur.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pangangasiwa ng 401st Infantry Brigade matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa mga nakatagong armas na umano’y pag-aari ng mga miyembro ng NPA.

Nauna rito, noong Hulyo 4, natuklasan naman ng mga sundalo ng 88th Infantry Battalion sa Sitio Matangpatang, Barangay Miglamin, Malaybalay City, Bukidnon ang isang inabandonang kubo na nagsilbing imbakan ng mga armas.

Narekober sa lugar ang isang M4A1 carbine, isang caliber .30 carbine, mga magazine, 138 bala ng 5.56-mm, 48 bala ng caliber .30, at dalawang military backpack.

Ayon kay Lt. Col. Joe Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division (4ID), malaking dagok sa mga armadong rebelde ang pagkakasamsam sa mga nakatagong armas dahil nababawasan ang kanilang kakayahang magsagawa ng armadong operasyon.

Aniya, nananatiling matatag ang internal peace and security sa Caraga Region at layunin ng militar na tuluyang wakasan ang natitirang banta ng armadong rebelyon sa Northeastern Mindanao.

Sinabi naman nina Brig. Gen. Seigfred Tubalado ng 403rd Infantry Brigade at Col. Benjamin Leander ng 401st Infantry Brigade na napigilan ng operasyon ang muling paggamit ng mga armas at nabawasan ang kakayahan ng grupo sa kanilang logistical operations.

Pinuri rin ni Maj. Gen. Marion Angcao, commander ng 4th Infantry Division, ang mga tropang nagsagawa ng operasyon at iginiit na mahalaga ang tuloy-tuloy na intelligence-driven operations upang maiwasan ang muling paglakas ng mga armadong grupo at mapanatili ang kapayapaan sa Northeastern Mindanao. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here