MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Bam Aquino para sa agarang pagpapatupad ng mahahalagang reporma upang mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino at ng mga manggagawa at middle class sa gitna ng panibagong paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran at ang epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya.
Ginawa ni Aquino ang panawagan kasunod ng anunsyo ng malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, sa pagsasabing magtutulak ito sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pamasahe, at iba pang mahahalagang serbisyo.
“Hindi dapat puro taas-presyo ang nararanasan ng ating mga kababayan. Kailangan nating gumawa ng mga konkretong hakbang para mapagaan ang kanilang gastusin, mapababa ang presyo ng mga bilihin, at mabigyan ng sapat na suporta ang ating mga manggagawa at middle class,” ani Aquino.
“Ngayong tumataas na naman ang presyo ng produktong petrolyo, kasabay nito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin na lalo pang nagpapabigat sa araw-araw na gastusin ng bawat pamilya,” dagdag pa niya.
Muling iginiit ng senador ang agarang pagpasa ng ilang panukalang batas na kanyang inihain upang mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo at makapagbigay ng agarang ginhawa sa mga mamimili, manggagawa, senior citizens, guro, barangay workers, at middle class.
“Kailangan natin ng agarang pagkilos upang mapagaan ang epekto nito: ibaba ang VAT mula 12 percent tungong 10 percent, imbestigahan ang patuloy na mataas na singil sa kuryente, at tanggalin ang excise tax sa produktong petrolyo,” giit ni Aquino.
“Kasama rin dito ang iba pang panukalang batas na makatutulong sa mga manggagawa, senior citizens, guro, barangay workers, at sa ating middle class,” dugtong pa niya.
Kabilang dito ang Senate Bill No. 2047, na naglalayong ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12 porsiyento tungo sa 10 porsiyento upang mabawasan ang buwis sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo.
Bilang bahagi ng kanyang agenda na “Panukalang Batas para sa Abot-Kayang Pamumuhay,” inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 265, na naglalayong alisin ang excise tax na ipinataw sa ilalim ng TRAIN Law sa diesel, kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), fuel oil, at unleaded gasoline upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis.
Inihain din niya ang P200 Wage Hike Bill, na nagbibigay ng P200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor; ang Kuryenteng Walang VAT Bill, na nag-aalis ng 12 porsiyentong VAT sa kuryente; at ang Increasing Tax Exemption Bracket Bill, na nagtataas ng taunang income tax exemption threshold mula P250,000 tungo sa P480,000.
Isinusulong din ni Aquino ang pagpasa ng Dagdag Sahod sa Nurse Bill, na nagtataas sa salary grade ng mga government nurse mula Salary Grade 15 tungong 19; ang Angat Sweldo Para sa Guro Act, na nagbibigay ng karagdagang P10,000 buwanang kompensasyon sa mga guro sa pampublikong paaralan at mga kwalipikadong non-teaching personnel sa loob ng susunod na tatlong taon; at ang Abolition of Travel Tax Bill, na nag-aalis ng travel tax para sa mga Pilipino at ASEAN nationals na bumibiyahe sa loob ng ASEAN region.
Inihain din niya ang Cash Assistance and Relief for the Elderly (CARE) Bill, na nagbibigay ng P1,000 buwanang social pension sa mga kuwalipikadong senior citizen; ang Barangay Workers Act, na nagtatakda ng pamantayang sahod at benepisyo para sa mga barangay personnel; at ang Profit Sharing Act, na naghihikayat sa boluntaryong profit-sharing sa pagitan ng mga employer at empleyado.
“Hindi na dapat ipagpaliban ang mga repormang ito. Dahil sa bawat araw na naaantala ang mga ito, lalo lamang bumibigat ang pasanin ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Aquino. Ernie Reyes